
Masaya ang tinaguriang Comedy Concert Queen at Kapuso star na si Aiai Delas Alas na Kapuso na rin muli ang kanyang matagal nang kaibigan na si Boy Abunda.
Sa isang video message na nakuha ng GMANetwork.com mula kay Aiai, binati ng batikang aktres at komedyante ang kaibigan na si Boy dahil sa matagumpay na pagpirma nito ng kontrata sa GMA nitong Huwebes, December 15.
Aniya, “Ama, alam mo naman ayan isa ka na ring Kapuso. Bonggang bongga, I love you Ama. Welcome to Kapuso.”
Samantala, sa nasabing contract signing event, nagpasalamat naman si Boy sa naging mainit na pagsalubong sa kanya ng GMA sa kanyang pagbabalik bilang Kapuso.
"Mula ho sa aking puso, maraming salamat po sa inyong tiwala. Sa aking kakayahan bilang isang presenter, bilang isang talk show host, bilang isang interviewer. Maraming salamat po sa iyong paniniwala po sa aking pagkatao. Maraming salamat po sa makapusong pagtanggap n'yo dito sa akin dito sa GMA-7. I am grateful,” ani Boy.
Nagbigay rin ng mensahe ang premyadong TV personality kay GMA Network Chairman and CEO na si Atty. Felipe Gozon tungkol sa kanyang commitment na makapagbigay ng mahusay na programa para sa GMA.
“Hindi po ako mangangako, Atty. Gozon. I will commit to working hard, to doing the best I can, to be able to deliver the best entertainment, the best interviews, the best shows that I am going to do for GMA-7. Salamat," mensahe ni Boy.
SILIPIN ANG MGA NAGING KAGANAPAN SA CONTRACT SIGNING NI BOY ABUNDA SA GMA NETWORK SA GALLERY NA ITO: