
Well-adjusted na raw si Aiai Delas Alas sa buhay sa Amerika kasama ang asawa niyang si Gerald Sibayan.
Sa katunayan, proud niyang ibinalita na pitong buwan siyang nag-stay sa Amerika bago umuwi kamakailan para sandaling magbakasyon at magtrabaho para sa The Clash.
Gayunman, inamin ni Aiai na nami-miss din niya ang buhay celebrity at naramdaman niya ito pag-uwi niya ngayong December.
“Sa totoo lang, na-miss kong magpa-presscon, ha. Kasi doon, naglalaba lang ako, nagluluto, naglalaba. Nami-miss ko rin dito yung perks like, mayroong magluluto for me, may nagda-drive for me,” sabi ni Aiai sa ginanap na intimate press conference kasama ang GMANetwork.com kamakailan.
“Kapag sa Amerika, kapag masipag ka, maganda naman ang buhay mo. Ang mga perks lang kasi rito, na akala ko hindi ko kaya, yung wala kang katulong, wala kang yaya, wala kang driver. Later on, masasanay ka na rin na wala kang mga ganun. Ako kaya ang nagda-drive. 'Tapos, kapag pupunta sa Costco, ako rin ang magbibitbit ng mga bagahe, yung ganun.”
Noong 2015 pa naging US green card holder si Aiai, pero ngayon lang daw niya serseryosohing mabuno ang mga araw na kailangan niya para maging ganap na US citizen.
“Gusto ko nang maging citizen kaya iniipon ko na ang number of days ko doon,” aniya.
Ibig sabihin ba nito ay iiwan na niya ang kanyang showbiz career?
“Hindi naman,” mabilis na sagot ni Aiai sa GMANetwork.com.
“Pinapirma pa rin naman ako ng GMA, mayroon pa akong two and a half years. At saka kung gusto pa nilang papirmahin ako ulit, pipirma pa rin ako.
“Gusto ko pa rin maging artista. Kasi, gusto ko bino-blower yung buhok ko, mine-makeup-an ako, ganun. Nami-miss ko pa rin ang maging artista kasi, di ba, sa Amerika sariling sikap. Kaya dito, kapag dumarating na ako, artista na ulit ako--bino-blower na ang buhok ko, mine-makeup-an na ako, ganern.”
Nakatakdang bumalik sa Amerika si Aiai sa December 19 at ipagdiriwang na ang Pasko doon. Babalik siya sa February 2023 para muling magtrabaho para sa fifth season ng The Clash.
SAMANTALA, NARITO ANG ILANG CELEBRITIES NA PINILI NANG MANIRAHAN NA ABROAD: