
Pormal nang pumirma ng kontrata sa GMA Network noong nakaraang linggo ang tinaguriang Philippine King of Talk na si Boy Abunda bilang simula ng kanyang pagbabalik bilang Kapuso matapos ang mahigit dalawang dekada.
Sa media conference para sa kanyang homecoming, inalala ni Boy ang isa sa kanyang mga unang naging programa sa telebisyon-- ang Startalk. Isa siya sa mga naunang host ng dating sikat na showbiz-oriented talk show ng GMA.
Ayon kay Boy, tapos na siya sa mga masyadong matapang na interview na kanyang nagawa noon sa kanyang mga naging programa habang nagsisimula pa lamang siya sa industriya.
Aniya, “Pero pinagdaanan ko 'yan alam mo yung you're proving yourself. I remember when I was starting in Startalk, we were up against Showbiz Lingo, which is rating 40 something, and Startalk was rating at 3, nanggaling kami doon, nanggaling ako doon.”
Dagdag pa niya, ”Tapos na ako doon sa stage na hindi ka pa nagsasalita, e, raratratin na kita ng lahat ng mga katanungan na wala namang kasagutan. I'm done.”
Paliwanag naman ni Boy, walang masama sa interview na may tapang kung hindi lamang basta tapang ang ipapairal.
“Maganda naman 'yung may tapang, pero 'yung tapang na may puso,” ani Boy.
Sa kanyang naging contract signing, ipinaabot naman ni Boy ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa GMA sa naging mainit na pagsalubong sa kanya bilang nagbabalik-Kapuso.
Aniya, "Mula ho sa aking puso, maraming salamat po sa inyong tiwala. Sa aking kakayahan bilang isang presenter, bilang isang talk show host, bilang isang interviewer. Maraming salamat po sa iyong paniniwala po sa aking pagkatao. Maraming salamat po sa makapusong pagtanggap n'yo dito sa akin dito sa GMA-7. I am grateful."
Ngayon na muli na siyang mapapanood sa GMA, marami na ang nag-aabang sa kanyang mga gagawing bagong proyekto.
BALIKAN ANG MGA NAGING KAGANAPAN SA MEDIA CONFERENCE NI BOY ABUNDA TUNGKOL SA KANYANG HOMECOMING SA GMA NETWORK SA GALLERY NA ITO: