
Naghahanda na ang Kapuso actress na si Kate Valdez para sa kanyang pagsabak sa action-fantasy series na DreamWalker.
Ito ay live-action multi-series adaptation ng horror comic series na parehong pamagat, na isinulat at ginawa ng pop culture blogger na si Mikey Sutton at mula sa ilustrasyon ni Noel Layon Flores.
Inaasahang maraming stunts si Kate sa DreamWalker dahil gaganap siya bilang si Kat, isang paranormal vlogger na nag-iimbestiga sa supernatural events sa iba't ibang parte ng Pilipinas.
Magkakaroon ng ekstraordinaryong kapangyarihan si Kat matapos ang isang aksidente, kabilang na ang abilidad niyang makipaglaban sa mga demonyo at halimaw gaya ng Pinoy mythical creatures na tikbalang, manananggal, at aswang.
Ayon sa exclusive virtual interview ng GMANetwork.com kay Kate, sasailalim siya sa mixed martial arts training para sa kanyang role.
"I'm planning to have a training, arnis training, muay thai para hindi ako mabigla sa set. For sure, lahat ng eksena ko dito puro fight scenes.
"So kailangan kong i-train 'yung sarili ko and may body doing extreme scenes kasi marami talaga and it's challenging kasi, for sure, magsusuot ako ng mga harness d'yan."
Hindi na ito ang unang beses na sasabak si Kate sa fight scenes nang mapabilang siya sa telefantasyang Encantadia noong 2016. Dito ay gumanap siyang Mira, isang Sang'gre na sinanay sa paggamit ng espada at iba pang sandata.
Bagamat may experience na sa stunt fighting, inamin ni Kate na may halong kaba ang muli niyang paggawa ng action-fantasy lalo pa at ang in-demand filmmaker na si Mikhail Red ang magiging direktor niya sa DreamWalker.
Ilan lamang sa mga ginawang pelikula ni Mikhail ang Metro Manila Film Festival 2022 Best Picture na Deleter, na nagbigay rin sa kanya ng Best Director award. Si Mikhail din ang nagdirehe at nagsulat ng iba pang acclaimed films gaya ng Birdshot (2016) at Eerie (2018).
Ani Kate, "Of course, si direk Mikhail napakagaling na direktor n'yan. Marami na s'yang nagawang successful films, although hindi ko pa s'ya nami-meet in person and hindi ko pa talaga s'ya nakakatrabaho even in small films.
"But now I'm excited and I'm a bit nervous pero happy. Mixed emotions na makatrabaho ko s'ya and it's a big project po para sa 'min at para kina Sir Mikey and I know naman I feel safe coz I'm in good hands at napakagaling na direktor ni direk Mikhail."
Ang DreamWalker ay ipo-produce ng 108 Media mula sa panulat ni Kaitlyn Fae Fajilan kasama si Treb Monteras III bilang showrunner.
KILALANIN PA SI KATE VALDEZ SA GALLERY NA ITO: