
Isang nakaaantig na kuwento ang mapapanood sa Wish Ko Lang ngayong Sabado tampok ang debutanteng si Lovely na namatayan ng ina sa mismo nitong kaarawan.
Bibigyang-buhay ng batikang aktres at television director na si Gina Alajar at Sparkle actress na si Althea Ablan ang madamdaming kuwento ng mag-inang Rosinie at Lovely sa "Wish Ko Lang: Debutante!"
Patunay ang pagmamahal ni Rosinie sa kanyang mga anak sa matandang kasabihang "Walang magulang ang makatitiis sa kanyang anak."
Handa si Rosinie na gawin ang lahat para sa ikabubuti ng kanyang mga anak. Kahit na mahirap, kasama ang asawang si Roger ay nagpatuloy sila sa pagkayod para maitaguyod ang kanilang pamilya.
Kahit na minsang naging suwail ang bunsong anak nitong si Lovely ay hinangad pa rin ni Rosinie na mabigyan ito ng masayang selebrasyon para sa ika-18 taong kaarawan nito. Pero sa mismong debut ni Lovely, binawian ng buhay si Rosinie.
Makakasama nina Gina at Althea sa episode na ito sina Crystal Perez (Rose), Richard Quan (Roger, Dustin Yu (Adrian), John Arcenas (Jake), Chester Alfaro (Popoy), Elijah Baranda (Tim), at Liana Mae (Chezka).
Huwag palampasin ang "Wish Ko Lang: Debutante!" ngayong Sabado, February 25, alas-4 ng hapon sa GMA.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.gmapinoytv.com.
MAS KILALANIN SI ALTHEA ABLAN SA GALLERY NA ITO: