
Iba't ibang mga karakter na ang ginampanan ni Sparkle actress at Underage lead star Elijah Alejo sa GMA teleseryes.
Kabilang sa mga drama series na naging bahagi si Elijah ay Kaya ng Powers (2010), My Husband's Lover (2013), Conan, My Beautician (2016), Super Ma'am (2017), Prima Donnas (2019), Prima Donnas Book 2 (2022), at marami pang iba.
Sa katunayan, mahigit isang dekada na bilang isang Kapuso ang teen star.
Sapanayam ng GMANetwork.com kay Elijah, ibinahagi ng aktres ang pinakatumatak na aral sa kanya tungkol sa showbiz na natutuhan niya mula sa batikang direktor at aktres na si Gina Alajar.
“Ang pinaka-nakatatak sa akin is 'yung sinabi po sa akin ni Nanay Gina during [Prima Donnas] Season 2, na rito sa showbiz, you keep on learning po talaga. You keep on learning new techniques, new lessons sa mga nakakasama mo po, sa mga characters na nagagampanan mo.
“That's what she told me po. Keep on learning,” pagbabahagi niya.
Ayon pa kay Elijah, nagsisilbing inspirasyon niya sa kanyang showbiz career ang kanyang pamilya. Matatandaan na ibinahagi ni Elijah sa isang panayam na siya ang tumatayong breadwinner ng kanilang pamilya.
Aniya, “Siyempre po, my family kasi katulad din po ng sinabi ko no'n 'yung mom ko po hindi na po siya puwedeng mag-work and ako na lang din po 'yung inaasahan talaga. So, 'yun po 'yung naging inspiration ko. Kumbaga sa sarili ko po sinasabi ko na, 'I have to work para magkaroon kami ng magandang life.'”
Kasalukuyang mapapanood si Elijah sa drama series na Underage, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m., sa GMA Afternoon Prime at Pinoy Hits - Channel 6 ng GMA Affordabox at GMA Now.
Mapapanood din ang Underage via Kapuso stream at sa official Facebook page at YouTube channel ng GMA Network.
Maaari ring i-stream ang full episodes nito at ng iba pang programa ng GMA sa GMANetwork.com o GMA Network app.
MAS KILALANIN PA SI ELIJAH ALEJO SA GALLERY NA ITO: