
Ibinahagi ni Chito Miranda ang isa sa mga ginawang paraan ni Dindin Moreno para matulungan ang kanilang kabanda sa Parokya ni Edgar at kaibigan na si Gab Chee Kee.
Si Gab ay na-diagnose noong November 2022 ng lymphoma at napabalitang nagkasakit naman ng pneumonia noong January 2023.
Saad ni Chito sa kanyang Instagram post ay nalaman niyang nagpapapirma si Dindin ng guitar amp para ipa-auction. Ito ay isa sa mga gagamitin nilang pangtulong para sa hospital bills ni Gab.
PHOTO SOURCE: @chitomirandajr
"Tingnan nyo 'tong si Dindin. Kanina, sa gig namin, may bitbit syang guitar amp na panay pirma...at kahit maliit yung amp, medyo mabigat pa rin ito, at medyo hassle dalin. Nalaman ko na pumupunta pala sya sa mga gigs ng mga banda na tumutulong kay Gab, para papirmahan yung amp, tapos ipapa-auction nya daw."
Ani Chito, kitang kita sa sandaling ito na gagawin ni Dindin ang lahat para matulungan ang kanilang kaibigan.
Aniya, "Makikita mo at maa-appreciate talaga yung effort nya para lang makatulong kay Gab. Ganyan sya bilang kabanda at kaibigan."
Una na ring nanawagan si Dindin ng tulong sa kanyang Instagram account para sa pagpapagamot ni Gab. Sinundan naman ito ng pagpasalamat sa mga nagpadala ng ano mang halaga na maitutulong para sa pagpapagaling ni Gab.
Saad ni Dindin sa kanyang post, "It's very heartwarming to see messages like these written with the donations that they sent. Kahit maliit na halaga, pinapadala nila kasi gusto talaga nila tumulong. Maluluha ka nalang habang binabasa ang mga ito. Posting a few from the hundreds of messages we received. Faith in humanity is restored. Maraming maraming salamat sa inyo!"