
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang batikang aktor na si Gardo Versoza matapos siyang sumailalim sa angioplasty nang siya ay atakihin sa puso nito lamang Martes, March 28, bandang alas-otso ng gabi.
Sa “Today's Talk” segment ng Fast Talk with Boy Abunda ibinalita ng TV host na si Boy Abunda ang sinapit ng kaibigan niyang si Gardo.
Ayon kay Boy, nakausap niya ang asawa ni Gardo, si Ivy Vicencio. Ayon sa kanya, nag-umpisa lamang manakit ang likod ng aktor noong Martes ng gabi, pero ayaw pang magpadala nito sa ospital noong una dahil may taping umano ito kinabukasan.
Pero nang madala sa Cardinal Santos Hospital, dito na nakita ng mga doktor na may dalawang ugat sa puso ni Gardo ang barado kung kaya't kinailangan nitong sumailalim sa angioplasty.
Ayon pa sa mga doktor, maaaring extreme physical activity ang naging dahilan ng heart attack ng aktor.
Sa ngayon ay nasa ICU pa si Gardo at hindi pa pinapayagan na tumanggap ng bisita. Gayunpaman, ipinararating ng kanilang pamilya ang pasasalamat sa lahat ng sumusuporta at sa mga nagdarasal sa agarang paggaling ni Gardo.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
IN PHOTOS: CELEBRITIES AND PERSONALITIES WHO SUFFERED FROM STROKE AND HEART DISEASE