
Sa ikatlong linggo ng Love Revolution, pormal nang nakilala ni Nick si Ingrid ng Intalaweng Group matapos ang isang away sa pagitan ng kapatid ng huli na si Raffy at ni Xander.
Tila hindi naman maalis ni Nick sa kaniyang isip ang mga panahon na nakikita niyang magkasama at magkausap sina Seifer at Ingrid.
Sa paghaharap nina Ed at ng kaniyang asawa, nalaman ng una na ipinapatay ng huli ang kaniyang dating asawa na si Lourdes, ang nanay ni Seifer.
Muli namang nagkita sina Seifer at Ingrid upang pag-usapan ang ama ng huli. Ayon kay Ingrid, sinabi ng kaniyang ina na nasa abroad sila ni Ed upang doon magpagamot.
Sinabi naman ni Seifer kay Ingrid na kung kailangan nito ng tulong ay magsasabi lamang ito sa kaniya bilang sila ay magkaibigan.
Samantala, natalo ang Bacayagam Group sa bid ng Sunshine Hotel project at ang nanalo rito ay ang Intalaweng Group. Sa tingin ni Nick, maaaring ang dahilan sa likod nito ay ang magandang relasyon ni Seifer sa isang tao sa Intalaweng Group.
Nakita naman ni Xander na mayroong mga larawan ng balita tungkol sa pamilya ng Intalaweng Group ang computer ni Seifer. Nang dahil sa pagkatalo ng Bacayagam Group, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina Nick at Seifer.
Nang makauwi si Seifer, agad siyang tinanong ni Xander kung ano ba ang relasyon niya sa Intalaweng Group.
Sa pag-uusap nina Seifer at Xander, nalaman ng huli na ang kaniyang kaibigan ay ang anak ng nagmamay-ari ng Intalaweng Group. Sinabi rin ni Seifer kay Xander na kailangan niyang itago ang kaniyang identidad dahil iyon ang sinabi ng kaniyang yumaong ina, na pinatay ng isang unidentified suspek.
Ipinangako naman ni Xander na ligtas ang sikreto ni Seifer sa kaniya at tutulungan niya pa ang huli na mag-imbestiga tungkol sa tatay nito.
Subaybayan ang Love Revolution tuwing weekdays, 9:00 a.m., sa GMA.