Article Inside Page
Showbiz News
Pagkatapos ng mahigit isang lingo, binasag ng Superstar ang kanyang katahimikan at nagsalita na tungkol sa hindi niya pagkakahirang bilang isang National Artist.
By CHERRY SUN
Pagkatapos ng mahigit isang lingo, binasag ng Superstar ang kanyang katahimikan at nagsalita na tungkol sa hindi niya pagkakahirang bilang isang National Artist.
“Inaamin ko pong nasaktan ako sa mga nangyari,” ang sabi ni Nora Aunor sa kanyang
statement na ipinadala sa 24 Oras.
Gayunpaman, magaan pa rin niya itong natanggap dahil sa walang maliw na suporta at pagmamahal mula sa kanyang mga tagahanga.
Aniya, “maski wala mang tropeo o karangalang igawad sa akin ang mga nasa kapangyarihan, iniluklok naman ako ng mga kababayan ko habang buhay sa kanilang mga puso bilang isang artista ng bayan. Para sa akin po ay mas totoo at mas masarap ang karangalang ito dahil taus-pusong nanggaling sa mga taong siyang dahilan kung bakit ako nagpapakabuti bilang isang artista – ang mga mamamayang Pilipino.”
Itinuturing niya itong mas higit pa na parangal, kaya siya ay nagpapasalamat at muling nabuhayan sa kanyang pag-arte.
“Ang pagsuportang ito ang lalaong nagbibigay ng lakas ng loob sa akin, at ng walang kapantay na inspirasyon, upang lalo kong pagbutihin ang aking sining,” ayon sa kanya.
Ikinagulat ng marami nang magproklama ang Malacañang ng mga bagong National Artists habang hindi napabilang ang pangalan ni Nora Aunor. Ito ay nagdulot ng maraming pambabatikos mula sa mga kapwa niya artista, mga masugid niyang tagasuporta at iba’t ibang kritiko at akademiko.