Ngayong taon, sasailalim sa isang operasyon ang Superstar upang maibalik ang kanyang boses.
By CHERRY SUN
Paos pa rin si Nora Aunor nang makapanayam siya ng Balitanghali sa Festival of Lights sa Tanauan, Batangas, kung saan siya ay panauhing pandangal.
Matatandaang nagkaproblema ang Superstar sa kanyang lalamunan matapos ang palpak na facial enhancement ng isang Japan-based beauty clinic noong 2010.
Ayon kay Nora ay tutulungan siya ng kanyang mga kaibigan sa showbiz sa gastusin para sa kanyang operasyon na gagawin ngayon ding taon.
Aniya, “Maibabalik ['yung boses ko] kasi ‘yun nga sabi ng doktor kailangan lang ng operasyon. Pagka nagkaroon ng operasyon, mababalik uli ‘yung dating boses. ‘Yun lang ang hinihintay ko.”
Ibinahagi rin ni Nora na patuloy ang kanyang paggawa ng mga indie films.