
Ang laging nagbibigay ng mga huhulaang blind item, siya naman ngayon ang sasalang upang makihula ng top survey answers sa Family Feud.
Matapos ang dalawang taong pangliligaw, sa wakas ay maglalaro na rin sa nasabing game show ang batikang showbiz columnist at talent manager na si Ogie Diaz, ngayong Martes, June 4.
Kasama ni Ogie sa kaniyang Team Ka-Update ang kaniyang mga kaibigan na sina Mama Loi, Mrena, at Jegs.
Makakalaban naman nila ang team Timeless Voices na binubuo nina Fe Delos Reyes, Jamie Rivera, Jam Morales, at Carla Martinez.
Sa teaser ng episode ngayong araw, ipinasilip na tila may dalang showbiz chika at blind item si Ogie na dapat abangan.
Bukod dito, dinala na rin ni Ogie sa Family Feud studio ang kaniyang viral acting workshop. Kumasa naman kaya rito ang game master na si Dingdong Dantes?
Tutukan ang riot na episode ng Family Feud mamayang 5:40 p.m. sa GMA. Mapapanood din ito online via Kapuso stream.
RELATED GALLERY: Ogie Diaz, nagsalita na; humingi ng pasensya sa reporters na tumatawag sa kanya