
Isa ngayon sa pinag-uusapan ng netizens ang inilabas na documentary story ni Liza Soberano.
Mula sa childhood traumas, breakups, hanggang sa mga taong may kimkim siyang galit, matapang na ibinahagi ng aktres ang kanyang buhay.
Pinaka-umani ng atensyon ang eksenang tinaguriang “cake scene” kung saan, matapos banggitin ang isang sinensor na pangalan, biglang itinapon ni Liza ang hawak na cake slice. Marami ang naghinala na ang pangalang binanggit ng aktres sa video ay ang dati nitong manager na si Ogie Diaz.
Sa isang content video, diretsahang nagbigay ng reaksyon si Ogie tungkol sa documentary ng aktres.
"Naawa ako and the same time ang tapang. Napaka tapang ni Liza Soberano," aniya.
Ayon kay Ogie, matagal na niyang alam ang ilan sa mga ibinahagi ng aktres at nauunawaan niya ang mga pinagdaanan nito.
"Syempre 'pag tatanggap ka ng talent, kailangan makilala mo 'yung talambuhay niya. 'Yung kanyang istorya ng buhay, kung saan siya nanggaling," aniya.
Aminado rin si Ogie na nagbago na si Liza sa pagkalipas ng ilang taon. Pero para sa kanya natural lang ito at nirerespeto niya ang Filipina-American star.
"Hindi mo na makikita 'yung dating Liza sa Liza na napanood mo sa vlog," pahayag niya. "I'm open to changes and people change. Kailangan matanggap ko 'yun na nagbabago ang tao, nagbabago yung pananaw niya, perspektibo niya, outlook niya, behavior niya."
Sa isyu naman kung siya ang binanggit ni Liza sa kontrobersyal na eksena, giit ni Ogie sa tingin niya ay hindi raw siya iyon.
Mas naniniwala siyang ang tinutukoy ng aktres ay ang dating road manager nito na si Joni Lyn Castillo, o mas kilala bilang Tita Joni.
"Si Tita Joni 'yung kumupkop kay Liza. Si Tita Joni rin nagbigay ng pag-asa kay Liza," paliwanag ni Ogie. "In fairness kay Tita Joni. Mabait 'yung tita niya. Kasi kung maldita 'yun, baka katigan ko si Liza kung si Joni ang binigkas niya. E mabait 'yung tao, hanggang ngayon nag-uusap kami. Si Liza hindi ko nakakausap e, kung si Joni nga yun a."
Para sa showbiz columnist, alam ni Liza ang totoo at ang kanilang pinagsamahan. Naniniwala rin siya na nagawa naman niya ng maayos ang kanilang trabaho noon bilang manager.
"Kung kulang pa 'yun, e narrative na ni Liza 'yun kung ano 'yung gusto niyang sabihin against us," dagdag niya.
Sa kabila ng lahat, labis ang pasasalamat niya sa aktres na naging blessing sa kanyang buhay.
Samantala, silipin muli ang artsy birthday photoshoot ni Liza Soberano dito: