
Kung isa kang magulang na malalim ang bulsa, merong bagong idea kung paano mapapanatiling single at childless ang anak mo - bigyan mo siya ng Php1 million. Ang idea na ito ay makikita sa pinakabagong vlog ni Erin Diaz, isa sa limang anak ng showbiz personality na si Ogie Diaz.
Mapapanood sa latest vlog ni Erin si Ogie na nag-abot sa kanya ng tseke na nagkakahalaga ng Php1 million dahil tinupad ni Erin ang wish ni Ogie na manatiling hindi kasal at walang anak hanggang sa edad na 25. Sa video, inalala ni Ogie na nangako siyang may ibibigay siya sa kanyang anak kapag nagawa niya ito. Pagkatapos nito ay inabutan niya ng tseke para sa Php1 million si Erin.
Ibinahagi rin sa video ni Erin na inakala niyang walang pakialam ang kanyang ama sa kanyang birthday bago iaabot sa kanya ang tseke.
Ayon kay Ogie, ginusto niyang huwag munang magpakasal si Erin bago ang edad na 25 para ma-enjoy nito ang kanyang kabataan.
“Mahirap pag nag asawa, nakipag live-in, tapos magkakaanak tapos iiwan mo 'yung anak mo sa amin tapos gigimik-gimik ka kaya i-enjoy mo muna,” paliwanag niya.
Ipinaliwanag din ni Ogie na pwedeng gamitin ni Erin ang Php1 million para simulan ang kanyang negosyong coffee shop.
“Alam niya na pera niya 'yan at kailangan niyang palaguin,” saad niya.
Sinabi rin ni Ogie na pareho ang pangako niya sa iba pa niyang mga anak. Lima ang anak ni Ogie kasama ang partner na si Georgette del Rosario. Nagbiro pa nga ang isa pa niyang anak na si Godhie sa video na tatlong taon na lamang ang iintayin niya bago matanggap ang parehong amount.
Panoorin ang video sa baba.
Matagal nang proud sa kanyang mga anak si Ogie. Nitong June lamang ay ipinagmalaki niya ang achievement ni Godhie na nagtapos na cum laude sa University of Santo Tomas (UST). Kumuha ng kursong Bachelor of Science in Medical Technology si Godhie sa UST, at maliban sa pagiging cum laude ay ginawaran din ng Faculty of Pharmacy award at ng Manuel L. Quezon Leadership Award.