
Kamakailan lang, mas naging maingay ang pangalan ng Unbreak My Heart actor na si Joshua Garcia dahil sa isang throwback photo.
Mabilis na nag-viral ang lumang larawan ni Joshua, kung saan makikitang naging escort siya noon para sa Santacruzan.
Kinagigiliwan ng fans ng aktor ang post ng netizen na si Reina Carisse Forteza - Abrigonda, na mismong kasama rin ni Joshua sa nag-viral na larawan.
Makulit na caption ni Reina sa kaniyang post, “Kung alam ko lang na sisikat ka [Joshua], sana pala sumagala na tayo simula Batangas City hanggang Mabini.”
Ang naturang larawan ay kuha sa fiesta ng San Roque, Bauan, Batangas kung saan isa si Reina sa mga naging muse.
Ayon sa isang report, aminado ang netizen na agaw-pansin na noon pa man si Joshua na mas tinitingnan pa raw noon ng mga nanood sa sagala kaysa sa kaniya.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit 180,000 heart reacts, 47,000 shares, at mahigit 390 comments ang naturang post.
Samantala, isa si Joshua sa celebrities na labis na kinakikiligan ngayon ng marami dahil sa kaniyang taglay na kagwapuhan at husay sa pag-arte.
Ngayong 2023, mapapanood si Joshua sa biggest collaboration TV project na Unbreak My Heart, na ipapalabas sa GMA at Viu.
Kasalukuyang nasa Switzerland si Joshua para sa taping ng serye kasama ang kaniyang co-lead stars na sina Gabbi Garcia, Richard Yap, at Jodi Sta. Maria.
SILIPIN ANG TRAVEL ADVENTURES NI JOSHUA GARCIA SA GALLERY SA IBABA: