GMA Logo One Night Steal in GMA
What's Hot

One Night Steal: Ang pagbaliktad ng kapalaran! | Week 1 recap

By Ron Lim
Published September 5, 2022 7:54 PM PHT

Around GMA

Around GMA

PHIVOLCS logs 400 back-to-back earthquakes in Kalamansig, Sultan Kudarat
Over 150 cellphones stolen during Sinulog fest recovered
United Kingdom considering social media ban for minors

Article Inside Page


Showbiz News

One Night Steal in GMA


Ang pagtatagpo ni Angie at Nott ay magdudulot ng malaking pagbabago sa kanilang buhay!

Sa unang linggo ng One Night Steal, makilala natin sila Nott at Angie, dalawang taong babaliktad ang mundo pagkatapos nilang makilala ang isa't-isa.

Bata pa lamang si Angie ay palagi na siyang sinuswerte. Salamat sa kanya, nanalo ang kaniyang mga magulang sa sweepstakes, na nagresulta sa maginhawang buhay para sa kanila. Kahit sa school ay sinuswerte rin si Angie, kung kaya hindi na kailangan ng kaniyang mga magulang na magbayad ng tuition. Pati sa mga disgrasya pagdating sa pagkain, sinuswerte pa rin siya.

Kabaligtaran naman ang kapalaran ni Nott. Kung anong swerte ni Angie ay ganon naman siya kamalas. Gayunpaman, pinanghahawakan niya ang sinabi ng ama niya nung bata pa siya, na darating din ang araw na para sa kaniya. Tinitingnan din niya ang samu't-saring kamalasan na pinagdadaanan niya bilang oportunidad upang matuto ng leksiyon.

Dala ni Nott ang kaniyang kamalasan hanggang sa pagtanda niya, kung saan sinusubok niya at ng kaniyang bandang The Comet na sumikat. Sa kasamaang palad, siya at ang kaniyang banda ay naturingang malas sa kanilang kompanya at tinapos ang kanilang kontrata.

Patuloy naman ang pamamayagpag ng swerte ni Angie. Sa kagustuhang tulungan ang isang kaibigan, tinulungan niya itong makakuha ng imbitasyon sa isang party na punong-puno ng mga celebrities.

Sa party na ito nag-krus ang landas ni Angie at Nott. Habang lasing, hindi maiwasan ni Nott na ilabas ang kaniyang mga saloobin kay Angie, na siya rin namang nagtulak kay Angie na ilabas ang kaniyang nararamdaman kay Nott.

Mula sa masinsinang usapan ay nauwi sina Angie at Nott sa isang one night stand, at dito na nagsimula ang pagbaligtad ng kanilang mundo. Kung dati ay palaging sinuswerte si Angie, ngayon ay para bang sunud-sunod na kamalasan ang dumarating sa buhay niya, simula na sa pagkuha ng taxi na masasakyan.

Dahil gusto niyang maintindihan ang nangyari sa kaniya, kumunsulta si Angie sa isang fortune teller. Dito niya nalaman na dahil sa nangyari sa kanilang dalawa ni Nott ay nagkabaligtad ang kapalaran nila.

Mukhang totoo nga ang basa ng manghuhula sa kapalaran niya, dahil bumaliktad naman ang kapalaran ni Nott at ng kaniyang banda. Kung dati ay walang pumapansin sa The Comet, ngayon ay viral na sila at trending topic pa.

Patuloy na subaybayan ang One Night Steal, Lunes hanggang Huwebes, 11:30 p.m. sa GMA.