
Sa ika-apat na linggo ng One Night Steal, patuloy na lumalalim ang damdamin ni Angie at Nott para sa isa't-isa. Pero kahit ganon man, hindi nakikisama ang swerte sa kanila.
Kahit na bumubulusok ang kasikatan ng The Comet, nakakaramdam pa rin ng pagdududa si Nott tungkol sa kaniyang kapabilidad bilang isang singer. Maganda ba talaga ang kanta nila o sinuwerte lang sila? Inaasikaso ni Angie ang skin care ni Jun, lalo na at patuloy na sumisikat ang The Comet. Malas lang ni Jun dahil hanggang ngayon ay kaibigan pa rin ang turing sa kaniya ni Angie, lalo na at nakatulong ang kaniyang advice para mas lalong mapalapit si Angie kay Nott.
Sa kanilang music video shoot, hindi maiiwasan ni Nott na mag-alala at kabahan, lalo na at hindi siya sanay sa kanyang bagong damit at patuloy pa rin siyang nagdududa sa kaniyang abilidad. Gayunpaman, handi si Angie para pagaanin ang kaniyang loob.
Sa araw ng music video shoot ay problema ang kinaharap ni Nott dahil sa kanyang co-star na si Charm na hindi maayos ang pakiramdam. Imbes na magkaroon ng romantic na eksena para sa kanilang music video, lalo lamang naunsyami ang pag-film nito.
Dahil gipit na at walang mahanap na kapalit para kay Charm, si Angie na ang nag-volunteer upang makasama ni Nott sa music video. Hindi maitanggi ang chemistry sa kanilang dalawa, na kitang-kita ng crew ng music video.
Nakatulong man sa music video ni Nott si Angie, na-suspend naman siya sa trabaho dahil sa mga comments ng publiko sa parte niya sa isang viral video na kumakalat nila ni Nott. Patuloy din ang mga munting kamalasan sa kaniyang buhay at kahit ang kaibigan niyang si Bona ay hindi siya matulungan.
Sa photoshoot naman ng The Comet, pinuputakte sila ng mga reporters dahil nagkalabo-labo na ang kanilang schedule dahil sa suspension ni Angie. Nais ng mga reporters na malaman ang katotohanan sa viral video ni Nott, at dahil hindi nila malaman kung ano ang gagawin ay nagpanggap si GD na may sakit.
Kasalukuyan ding nagpapatuloy ang kamalasan ni Angie. Pilit siyang ipinapakasal ng kaniyang mga magulang sa kanyang ex na si Paul, kahit na hindi naman niya mahal ito.
Dahil ayaw niya ngang mapangasawa si Paul, patuloy niyang sinisikap na makatakas mula sa pagpapakasal na ito. Si Jun ang kanyang tinawagan upang tulungan siyang makatakas mula sa kanyang kasal.
Patuloy na subaybayan ang One Night Steal, Lunes hanggang Huwebes, 11:30 p.m., sa GMA.