
Handa na ba kayong kiligin sa mga susunod na linggo? Malapit nang mapanood sa GMA ang One Night Steal, ang Lakorn series na sasagutin ang tanong kung ano ba ang pinaka swerteng bagay sa mundo.
Pinagbibidahan ni Sutatta Udomsilp, Krist Perawat Sangpotirat, Purim Rattanaruangwattana, at Harit Cheewagaroon, ang One Night Steal ay kwento ni Angie at Nott, dalawang tao na magkaibang magkaiba ang swerte sa buhay. Habang palaging sinuswerte si Angie sa lahat ng bagay maliban na lang sa pag-ibig, si Nott naman ay parang pinagkaitan ng swerte, sa trabaho man o sa pag-ibig.
Sa 'di inaasahang pagkakataon, nag-krus ang landas ng dalawa sa isang party at dahil sa kalasingan, nagkaroon sila ng one-night stand. Simula noon, nagbago na ang tadhana ng dalawa. Sunod-sunod na kamalasan ang dinanas ni Angie, habang ang banda ni Nott ay bumulusok ang kasikatan.
Dahil suspetsa ni Angie ay si Nott ang susi sa pagbabago ng kaniyang tadhana, sinubukan niyang mag-apply bilang manager ng banda nito upang mabawi ang kaniyang swerte. Pero ano ang gagawin nila kung may nabubuong pagtitinginan sa kanilang dalawa?
Abangan ang Lakorn series na One Night Steal sa GMA simula August 29, mula 11:30 p.m. hanggang 12 a.m.