
Marami ang namangha sa pagsasalita ng Korean ng Kapuso Primetime Princess na si Barbie Forteza sa pinagbibidahan niyang serye na Beauty Empire, na mula sa GMA, Viu, at CreaZion Studios.
Ipinalabas ito sa ikalawang episode ng drama series noong July 8, 2025. Sa eksena ni Barbie, na gumaganap bilang Noreen sa serye, bigla siyang nagbitiw ng mga linya sa wikang Koreano matapos siyang sitahin ni Alex, ginagampanan ng South Korean actor na si Choi Bo-min, habang nasa bar kung saan kinompronta niya si Shari, ginagampanan ni Kyline Alcantara, dahil sa pagnanakaw ng serum formula.
Ayon sa panayam ni Nelson Canlas kay Barbie para sa GMA Integrated News Interviews, pasado kay Bo-min ang pagKo-Koreano ng aktres.
Ani Barbie, "Sobrang na-appreciate ko no'n si Choi Bo-min kasi kino-correct n'ya naman ako kung mali ako pero 'yung umere, vinery good n'ya ko no'n."
Pag-amin pa ng Kapuso star, 15 minuto lamang ang ibinigay sa kanya para makabisado ang kanyang linya at ma-practice ang kanyang diction sa dayuhang lenggwahe. Ika niya, "I just had to learn it 15 minutes before take. Yung mga Korean lines ko, laging surprise e."
Panoorin ang buong panayam sa video sa ibaba.
Mapapanood ang Beauty Empire Lunes hanggang Huwebes, 9:35 p.m. sa GMA, at 11:25 p.m. sa GTV. Maaari rin itong i-stream sa Viu.
Mula sa konsepto ng CreaZion Studios, ang Beauty Empire ay isang Viu Original series na mula sa produksyon ng GMA Public Affairs.