GMA Logo Darryl Yap reacts to critics of Love Ngo
Darryl Yap flanked by Malupiton (left) and Jerald Napoles / Photo courtesy of Yap's FB
What's Hot

Pambabatikos, sinalubong ng depensa ni Darryl Yap ukol sa kontrobersyal na humor ng 'Love, Ngo'

Published June 27, 2026 11:04 AM PHT

Around GMA

Around GMA

House bill seeks expanded maternity coverage for women in informal sector
Exhibit showcases globally recognized Philippine footwear designs
Bacolod fortifies borders vs ASF

Article Inside Page


Showbiz News

Darryl Yap reacts to critics of Love Ngo


Sa kabila ng mga akusasyon na ginagawang katatawanan ang PWD community, iginiit ng direktor na ang box-office gross ng pelikula ang sumasalamin sa umano'y 'totoong puso' nito.

Nahaharap sa pambabatikos ang filmmaker na si Darryl Yap matapos kumalat online ang mga reklamo laban sa kanyang bagong pelikula, ang Love, Ngo. Ayon sa mga kritiko, advocates, at netizens, insensitive, out-of-touch, at degrading para sa PWD community—partikular sa mga may speech impediments—ang uri ng katatawanan na ipinamalas sa proyekto para lang makakuha ng murang tawa.

Sa gitna ng ingay, pinili ni Yap na rumesbak at gamitin ang sinasabing kita ng pelikula sa takilya bilang pang-depensa sa mga negatibong reaksyon.

“Sa tingin ko, hindi magbabox-office hit kung walang puso. The movie is the proof,” giit ng direktor, habang hinahamon ang mga kritiko na panoorin muna ang kabuuan ng proyekto bago magsalita. “Viewers should see it before making any criticisms. But I always believe that a movie should compel you to react, question, and feel.”

Nang tanungin naman siya ukol sa mga panawagan para sa isang boycott at mga online threats mula sa mga hindi sumusuporta sa kanyang istilo, mabilis na binalewala ng direktor ang sentimyento ng publiko. “Sorry, I'm not really buying threats. Wala akong ma-react sa 'di ko pinaniniwalaan,” kibit-balikat niya.

Bagamat may mga grupo ang nadidismaya sa atake ng komedya ng pelikula, hindi maitatwa na ang ingay na dulot ng kontrobersya ay nagagamit ng produksyon upang makahatak pa rin ng manonood. Ayon kay Yap, binalitaan siya ng Viva na umano'y umabot na sa PHP 126 million ang kinikita ng pelikula sa sinehan.

“Hindi ko alam ang whole gross. Viva is not releasing pa pero parang ganyan na raw,” kuwento ni Yap. “Success na success 'yun. Sa hirap ng buhay ngayon, kahit maka-50 million ka lang, malaki na 'yun. Tapos ngayon ay 3rd week na at punuan pa rin. Very happy.”

Upang mapanatili ang hatak sa masa, sumandal ang produksyon sa kasikatan ng mga bida nito. Ginamit ni Yap ang seryosong acting profile ni Jerald Napoles para bigyang-katwiran ang takbo ng kuwento, habang sinalihan naman ito ng viral internet star power ng content creator na si Malupiton.

“People will watch your project if you have a solid plot and actors," paliwanag ni Yap. "Jerald has already established himself as an actor, which is why I chose him for this film. He made the character come alive. Malupiton has millions of fans, many of whom I believe have appeared in cinemas. He's naturally funny.”

Sumasabay ang Love, Ngo sa mga international horror/thriller titles sa mga lokal na sinehan tulad ng Obsession (ni Curry Barker) at Backrooms (ni Kane Parsons). May common denominator ang tatlong direktor: may parehong silang pinagmulan. Nagsimula sila bilang content creators na nag-generate ng ingay sa YouTube bago pumasok sa mainstream cinema.

Para kay Yap, ang trend na ito ay senyales na mas gustong tangkilikin ng kasalukuyang henerasyon ang mga pelikulang hindi sumusunod sa tradisyunal na pamantayan ng mga malalaking studio—isang depensa na madalas niyang gamitin upang bigyang-katwiran ang kanyang mga kontrobersyal na materyal.

“Kasi mas totoo, mas mabilis, at hindi nakalubog sa bulok na sistema,” ani Yap. “I feel YouTubers that have stepped into mainstream cinema are now more celebrated. People today want to see films that are bold and not overly structured. I hope that more Filipinos embrace bold storytelling.”

Hindi rin pinalampas ng direktor ang pagkakataon na magpahayag ng kanyang frustration laban sa local entertainment circle. Sa kanyang pananaw, ang kawalan ng suporta mula sa kanyang mga kasamahan sa industriya ay dulot ng kanyang pagtangging magpa-kontrol sa mga nakasanayan nang pormula at regulasyon sa paggawa ng pelikula.

“Dito lang sa Pinas boring ang mga taga-industry. Kapag iba ka at 'di ka nila kayang kontrolin, 'di ka susuportahan at susubukan ka pang sirain,” pahayag niya.