
Mahigpit na ipinatupad sa bansa ang ilang health protocols para mapigilan ang pagkalat at pagkahawa ng publiko sa COVID-19.
Kabilang sa mga preventive measure na mandato ng gobyerno ay ang pansamantalang pagsasara o pagtigil ng mga negosyo at iba't ibang industriya, na bunsod ng community quarantine protocol.
Hindi exempted dito ang showbiz industry dahil tumigil din ang marami nitong produksyon gaya na lamang ng paghinto ng tapings at pagpapalabas ng iba't ibang programa o kaya naman ay pelikula.
Ngayong higit nang mas maluwag ang community quarantine protocol, unti-unti nang nanunumbalik ang sigla ng entertainment industry dahil puwede na ulit itong mag-produce ng mga bagong palabas pero sa ilalim pa rin ng mahigpit na pagsunod sa precautionary measures laban sa virus.
Source: paolo_contis (IG)
Kabilang sa mga artistang opisyal nang nagbalik-trabaho ang Kapuso actor na si Paolo Contis, na bida sa “The Promise,” ang ikalawang seryeng handog ng drama anthology na I Can See You.
Nakasama niya rito sina Andrea Torres, Benjamin Alves, Yasmien Kurdi at Maey Bautista.
Dahil naging matagumpay ang kanilang taping, kasalukuyan nang umeere ang naturang serye, at wala namang naging problema sa kalusugan niya, umaasa siyang maging bukas na rin ang ibang mga artista sa pagbabalik-trabaho kahit may pandemya pa.
“Happy kami na kami 'yung first team na nag-taping. Hopefully, because of us, magtuloy-tuloy 'yung iba pang teams tsaka mga actor na magtrabaho na kasi nakita naman nila na okay kami,” aniya nang makapanayam ng GMANetwork.com sa Kapuso Brigade Zoomustahan nitong Lunes, October 5.
Samantala, dahil nga isa ang serye sa mga bagong handog ng Kapuso network, sinabi ni Paolo na hindi lugi ang viewers sa ganda ng istorya at execution nito.
“Hindi masasayang 'yung expectations nila kasi we made sure na we did a good program, we did a good episode,” sabi pa niya.
Mula sa direksyon ng award-winning director na si Zig Dulay, napapanood ang I Can See You: The Promise mula October 5 hanggang October 9, sa GMA Telebabad, pagkatapos ng Encantadia.
Samantala, kung gusto n'yo ring maka-bonding ang inyong favorite Kapuso stars online, sumali na sa Kapuso Brigade! Padalhan lang sila ng mensahe sa Facebook, Twitter o Instagram: @kapusobrigade.