
First time sa Fast talk with Boy Abunda, inamin ni Paolo Contis na inaayos niya na ngayon ang lahat ng naging gusot niya sa kanyang mga nagdaang relasyon.
Sa “The Talk” segment ng naturang programa, tinanong ng batikang TV host na si Boy kung ano ang reaksyon ni Paolo sa mga taong nagsasabing siya ay "nagmamahal, nagkakaroon ng anak, nang-iiwan.”
Madamdamin ang naging sagot ni Paolo tungkol dito. Aniya, “Kapag pumapasok ka naman sa isang relasyon hindi naman 'yun ang plano ko, e. “Every time na nasa relationship ako, I really love the person. I think, saksi naman 'yung mga tao how I love sobrang bigay-todo naman talaga ako.”
Dagdag pa niya, “Kaya lang may mga bagay na hindi alam ng publiko na mga nangyayari privately, na doon napupunta, doon humahantong."
Ayon kay Paolo, sadyang may mga bagay sa kanyang buhay na hindi naman alam ng publiko kung kaya't naging iba ang imahe niya sa mga tao.
“Basically, lahat naman ng puwedeng gawin upang i-save ang isang relasyon, ginagawa ko 'yun. Kaya lang ang alam lang ng tao is 'pag natapos na. So, nagkaroon ng kaunting reputasyon, ika nga, kung bakit ganoon ang naging tingin sa akin ng tao,” ani Paolo.
Paglalahad pa ng aktor, “I would like to think that I'm a good person na minsan gumagawa ng mali.”
Aminado naman si Paolo na nagkamali siya sa kanyang mga nagdaang relasyon kung kaya't agad siyang humingi ng tawad para rito.
“Fact is, lahat ng mali ko, alam ko. Kaya ako nag-sorry, e. I posted an apology because I know I was wrong. I knew I was wrong and I said I am sorry. But I don't wanna justify my mistake because ang mistake ay mistake,” paglilinaw niya.
Ibinahagi rin ng aktor na inaayos niya na ang kanyang mga maling nagawa at ipinapaliwanag niya na ito sa mga taong kanyang nasaktan.
“I'm really learning to own up to my mistakes, I've been apologizing to everyone concerned. I've been telling the truth not to the public though.. I've been telling them kung sino man ang concern the truth about everything,” sabi ni Paolo.
Tanggap naman ni Paolo na bagamat bumabawi na siya sa kanyang mga naging atraso ay hindi pa niya agad-agad na makukuha ang pagpapatawad mula sa mga taong kanyang nasaktan.
Aniya, “So, that's me owning up to all my mistakes, but I think yung healing and then, 'yung forgiveness, I think it takes time."
Matatandaan na Setyembre taong 2021, mabilis na pinag-usapan ang kontrobersyal na hiwalayan nina Paolo at LJ Reyes. Nagsimula ito nang mapansin ng ilang netizens na binura na ng aktor ang lahat ng larawan ng aktres sa kanyang Instagram.
Matapos ito, inamin naman ni Paolo sa pamamagitan ng isang Instagram post na totoong hiwalay na sila ng aktres. Sa naturang post, binanggit din ng aktor na may pagkakataong hindi siya naging tapat sa anim na taong pagsasama nila ni LJ.
Sa ngayon, kasalukuyang naninirahan sa Amerika si LJ kasama ang kanyang dalawang anak na sina Ethan Akio, anak nila ni Paolo na si Summer Ayana, at ang kanyang pamilya.
Bukod kay LJ, may dalawang anak din si Paolo sa dati niyang asawa na si Lian Paz, sina Xalene at Xonia. Sa ngayon, si Lian ay engaged na sa kanyang longtime boyfriend na si John Cabahug.
Para sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
BALIKAN ANG RELATIONSHIP TIMELINE NINA PAOLO AT LJ SA GALLERY NA ITO: