
Ibinahagi ni Paolo Contis na marami siyang natatanggap na movie offers dahil sa mga papuring natanggap niya sa pagganap sa mga pelikulang Through Night & Day at Ang Pangarap Kong Holdap.
“Maraming offer ngayon na mga pelikula.
"Siyempre, katulad din ng sinabi ko, after this, feeling ko mas may responsibilidad ka na gumawa ng pelikula na hindi ka mapapahiya, siyempre,” paglalahad niya.
Matatandaang pumatok ang dalawang 2018 films ni Paolo nang mapanood ang mga ito ng netizens sa streaming site na Netflix.
Hindi lang 'yan dahil ilang araw din itong nag-trending sa site at maging sa Twitter.
Samantala, dahil din sa trabaho ay napawalay si Paolo sa partner niyang si LJ Reyes at sa anak niyang sina Summer Ayana at Aki.
Nang umuwi, kinailangan niyang mag-self-quarantine bilang pagsunod na rin sa COVID-19 protocols.
Inamin niyang nahirapan siyang sa isolation na iyon dahil miss na miss niya ang kanyang pamilya.
“Pag-uwi ko, dapat two weeks, e. Two weeks ka dapat mag-quarantine sa sarili mo.
"So, I decided na five day I'm going to have myself tested na. Umiksi 'yon kasi nagpa-swab test ako, negative naman.
"Para makatulong na ako kay LJ sa mga gawain bahay tsaka sa bata 'tsaka, siyempre, miss na miss mo na sila,” sabi pa ni Paolo.
Kaugnay ng pagbabalik-trabaho, magkakaroon na ng fresh episodes ang Bubble Gang sa August at siyempre pa, ang tema nito ay gags at home.
Ayon sa aktor, pinaghahandaan na ng artists at staff ang pagbabalik ng Bubble Gang.
“For now, magre-reading muna kami tapos mayroon kaming gags na isu-shoot during the Zoom meeting.
"And then, mayroon kaming scripts na isu-shoot namin from the house. Upon reading the scripts naman bagay siya sa shoot from home,” aniya.
Hindi naman daw agad makakasama sa kanilang shoot si Comedy Genius na si Michael V dahil kasakalukuyan pa itong nagpapagaling mula sa COVID-19.
“Actually, we're supposed to have a meeting last week kung saan hindi na naka-attend si Kuya Bitoy.
"Of course, bilang part ng 'Bubble Gang,' I found out earlier. Nakausap ko na siya about it.
"In good spirit naman, e. in good spirit naman si [Kuya Bitoy],” lahad pa niya.
