
Marami ang bilib sa host ng radio program at podcast na Barangay Love Stories na si Papa Dudut dahil sa galing niya sa pagbibigay ng payo. Kaya naman, sa pagbisita niya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, September 10, ibinahagi niya ang sikreto dito.
Sa naturang GMA Afternoon Prime talk show, sinabi ni Papa Dudut na hindi naman siya magmamagaling at sasabihing kaya niyang sagutin ang lahat ng katanungan ng kanyang mga listeners. Hindi rin siya laging nakakapagbigay ng payo sa letter senders.
“Wala kasing perfect advice. Ang masasabi ko lang, Tito Boy, mas maganda na maramdaman ng listeners ko na nakikinig ako sa kuwento nila. Madalas kasi, ang iniisip ng ibang mga nasa posisyon ko, kung ang trabaho n'yo is to give advice, e kailangan meron akong perfect advice. Hindi, eh,” sabi ni Papa Dudut.
“At the end of the day, kailangan mas maramdaman nila na may isang tao na handang makinig sa mga problema nila. And I think na-deliver ko 'yun,” pagpapatuloy niya.
BALIKAN ANG LOVE ADVICE AT BEST WISHES NINA PAPA DUDUT AT PAPA OBET SA ILANG KAPUSO CELEBRITIES SA GALLERY NA ITO:
Sabi pa ni Papa Dudut, maraming beses na rin siyang nalagay sa pagkakataon na wala siyang mahugot na payong ibibigay sa kanyang letter sender.
At ang sikreto niya para mabigyan sila ng payo, “Ang ginagawa ko is I talk to my wife and ask her kung ano 'yung pinakamagandang advice na maibibigay niya. Pero kung wala ring maisip si misis, ang ginagawa ko is nagpupunta ako sa isang tahimik na lugar and pinagdadasal ko sa Diyos na bigyan ako ng magandang sasabihin sa taong nangangailangan ng advice.”
Nilinaw naman ni Papa Dudut na hindi pa naman dumarating sa pagkakataong sinasabi niya sa kanyang letter sender o listener na wala siyang maipapayo.
“Kasi ang ginagawa ko, Tito Boy, 'O, mga Kapuso, mga ka-Barangay, send your comments. Ano po ang maganda?'” pagbabahagi ng batikang DJ.
Dagdag pa ni Papa Dudut, “At saka, Tito Boy, ito ang isa sa mga sikreto ko para lang malaman ng iba kung bakit ang galing ko daw magbigay ng love advice: Binigyan ko ng options kasi 'yung mga listeners ko sa mga problema nila. Pinapaliwanag ko lang, 'Ito ang sitwasyon mo. May option number one, option number two. Pumili ka ng sa tingin mo ay pinaka-the best diyan sa mga options na 'yan.'”
Ayon sa batikang DJ at host, sa huli, ang listener pa rin kasi ang magdedesisyon kung ano ang gagawin sa buhay niya.
Samantala, abangan ang Barangay Love Stories na mapapanood na sa GMA simula ngayong September 12.
Panoorin ang panayam kay Papa Dudut dito: