
Isang bagong linggo na puno ng mga magagandang pelikula ang hatid ng digital channel na I Heart Movies.
Kabilang diyan ang first solo movie ni Kapuso actor Ken Chan na Papa Mascot.
Tungkol ito sa isang ama na gagawin ang lahat para muling makapiling ang anak niyang nawalay sa kanya.
Bukod kay Ken, bahagi rin ng pelikula sina Miles Ocampo, Gabby Eigenmann, Liza Diño, at child actress na si Erin Espiritu.
Abangan ang Papa Mascot, September 25, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Huwag din palampasin ang award-winning historical romance film na Baler.
Tampok dito ang si Anne Curtis bilang si Feliza na anak ng isang Katipunero.
Katambal niya dito si Jericho Rosales na gumanap bilang Celso, isang Spanish mestizo na naging sundalo para sa hukbo ng mga Kastila.
Uusbong ang pag-ibig ng dalawa sa gitna ng rebolusyon.
Humakot ang pelikula ng mga parangal sa 2008 Metro Manila Film Festival pati na sa 2009 FAMAS Awards. Kabilang sa mga natanggap nitong pagkilala ang Best Picture, Most Gender-Sensitive Film at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Awards sa 2008 Metro Manila Film Festival. Hinirang namang Best Actress si Anne Curtis at Best Supporting Actor si Phillip Salvador sa parehong parangal.
Balikan ang kuwento ng Baler sa September 26, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.