
Kamakailan lang ay kinoronahan si TV host Sugar Mercado bilang Mrs. Universe Philippines, at naghahanda nang sumabak sa international pageant na Mrs. Universe 2025. Panalo din si Patricia Javier sa dalawang pageants noong 2018 at 2019.
Ngayong bukas na rin ang Miss Universe Philippines sa mga ina, mas maluwag sa edad, at wala na rin ang ibang mga limitasyon, tinanong sila ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, July 12, kung sumagi na ba sa isip nila ang sumali sa naturang malaking patimpalak.
Ayon kay Patricia, masaya na siya ngayon sa mga titulong natanggap niya mula sa mga sinalihang pageants. Ngunit nagbigay din siya ng payo sa mga kababaihang nangangarap na sumali sa mas malalaking pageants.
“I think lahat ng kababaihan meron sila dapat ng mga gustong maging beauty queen, ipagpatuloy nila 'yun. This is the chance for them, go for your dreams. Ito 'yung part na pwede na,” sabi ni Patricia.
BALIKAN ANG CELEBRITIES NA PAGEANT TITLE HOLDERS DIN SA GALLERY NA ITO:
Hindi naman sinasara ni Sugar ang kaniyang mga pinto sa oportunidad. Aminado din ang TV host-dancer na maaaring imposible dumating ang ganitong pagkakataon, ngunit kung dumating man ito sa kanya, hindi niya ito palalampasin.
“Ako, kung ano po 'yung ibigay sa akin ni Lord kasi kahit naman ito, kahit sa panaginip, imposible siyang maganap sa buhay ko, pero nangyayari. So if ibibigay ng Panginoon 'yun sa akin, tatanggapin ko nang buong puso,” sabi ni Sugar.