
Unti-unti na umanong naghihilom ang dating celebrity couple na sina Mikee Quintos at Paul Salas matapos ang kanilang hiwalayan noong nakaraang taon.
Matatandaang bumisita si Mikee sa Fast Talk with Boy Abunda noong April 2025 para kumpirmahin na hiwalay na sila ng aktor. Diretsang tinanong noon ni King of Talk Boy Abunda ang aktres tungkol sa relasyon nila ni Paul.
Huminga muna ng malalim si Mikee bago sumagot, “Opo, hiwalay na kami.”
Nang tanungin naman siya ng batikang host kung ano ang dahilan ng kanilang hiwalayan, sinabi ni Mikee na marapat na si Paul na lang ang tanungin tungkol dito.
Ngunit sa pagbisita ni Paul kasama ang kanyang Stars on the Floor co-star na si Rocco Nacino, ipinaalam ng aktor na napagdesisyunan na nila ni Mikee na 'wag na itong sabihin.
“Actually, Tito Boy, napag-usapan namin ni Mikes after nga nu'n. Nagkaroon kami ng closure talk na ayaw din talaga namin sabihin na po. But gusto ko lang po i-clear na it's about our goals and purpose siguro,” sabi ni Paul.
Nilinaw rin ni Paul na walang third party na involved sa kanilang desisyon.
Sang-ayon naman dito si Rocco at ipinahayag kung gaano kaimportante ang closure sa isang relationship. Saad ng aktor, “Kahit wala na kayo, dapat nandu'n pa rin ang communication. May mga kailangan i-settle at ayusin.”
BALIKAN ANG NAGING RELASYON NINA PAUL AT MIKEE SA GALLERY NA ITO:
Inamin din ng aktor na unti-unti na silang naghihilom ni Mikee. Sa katunayan, sa naganap na bachelor party ng kanilang malapit na kaibigan na si Mikoy Morales, kaswal lang ang dalawa at na-enjoy pa ang selebrasyon.
Tanong ni Boy, “Nagkabalikan kayo?”
Sagot naman ni Paul, “Wala pong ganu'n. But ang masasabi ko naman, Tito Boy, nag-enjoy po kami kasi I think kinaya naman namin.”
Pag-amin pa ni Paul, bago pa ang naturang bachelor party, tuwing nagkakasalubong sila ay nag-uusap naman ang dating magkasintahan.
“Andu'n pa rin 'yung lalapitan ko siya, kakamustahin ko siya, kukulitin ko pa nga. But sa mga bawat kita namin na 'yun, Tito Boy, du'n kami naghi-heal kasi mas napag-uusapan namin kung kamusta,” sabi ni Paul.
Nang hingan naman siya ng batikang host ng mensahe ng thank you at sorry para kay Mikee, sabi ni Paul, “Thank you for teaching me how to love myself more and I'm sorry na hindi pa ako ganu'n kabuo nu'ng tayo.”
Panoorin ang panayam kina Paul at Rocco dito: