Bumisita at nakisaya sa All-Out Sundays ngayong Linggo (July 6) ang Big Four Duos ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition na sina Mika Salamanca at Brent Manalo o BreKa, Will Ashley at Ralph de Leon o RaWi, Charlie Fleming at Esnyr o CharEs, at AZ Martinez at River Joseph o AzVer.
Sa pakikipagkuwentuhan kina Beauty Empire actress Barbie Forteza at Sang'gre actress Bianca Umali, ikinuwento ng apat na duos ang kanilang ginawa nang makauwi na mula sa Big Night ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition na ginanap sa New Frontier Theater noong Sabado, July 5.
"Actually, pinuntahan ko kaagad 'yung mga pusa ko at saka 'yung aso ko. Siyempre nandu'n na 'yung family, kasabay ko silang umuwi," sabi ni Mika.
Tulad ni Mika, nakipag-bonding si Brent sa kanyang pamilya nang makauwi na sa kanilang bahay. Sabi niya, "I spent time with family, talaga. Kasi ang tagal ko silang hindi nakita, four months. Sa kanila ko ibinuhos 'yung time ko kagabi."
Kuwento naman ni Will, agad na dumiretso siya sa kanyang mommy at "lumamon."
Ayon kay Ralph, pag-uwi niya ay nakipagkuwentuhan siya sa kanyang pamilya.
Inuna rin ni River ang kanyang pamilya at, aniya, nang makauwi ay nilaro niya ang kanyang aso.
Ikinuwento naman ni AZ kung bakit paos siya at ito ay dahil sa pakikipagkuwentuhan sa kanyang pamilya hanggang 7:00 ng umaga. Aniya, "Tapos kumain kami ng kebab, na-miss ko 'yon."
Nagawa namang magbiro ni Esnyr kung saan aniya matapos ang Big Night ay pinuntahan siya ni Mika dahil "ako 'yung aso niya, chareng!"
"After Big Night, of course, kasama ng pamilya ko at nag-salmon," masayang sabi ni Esnyr.
Kuwento naman ni Charlie, agad siyang tumakbo papunta sa kanyang baby brother dahil sa sobrang pagka-miss dito.
Ang duo nina Mika at Brent o BreKa ang itinanghal na Big Winner Duo ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
SAMANTALA, BALIKAN ANG NAGING PBB JOURNEY NG BREKA SA GALLERY NA ITO: