
Puno ng energy at kilig ang fans sa GMA morning show na Unang Hirit!
Noong Lunes (July 14), bumisita sa studio ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition Big Winners na sina Brent Manalo at Mika Salamanca (BreKa).
Masayang nakipagkuwentuhan ang winner duo sa mga host at loyal fans, mula sa kanilang special recipe hanggang sa kanilang PBB journey.
Sa kanilang chikahan, binalikan din ng BreKa ang ilan sa iconic moments nila sa loob ng PBB house. Isa na rito ang viral na Jojowain o Totropahin game, kung saan pinili ng Kapamilya star na “jojowain” niya raw si Mika.
"Kasi si Mika po talaga ever since parang nakikita ko siyang parang pareho po kami ng personality (and) mindset. Sobrang importante sa akin sa magiging jowa ko na pareho ng mindset," paliwanag ni Brent
Mas lalong kinilig ang fans nang may ibinunyag si Mika sa kanilang behind-the-scenes moment.
"Tinanong din ako diyan pero 'di in-air. Pero may sagot ako...Ikaw (Brent) jojowain," sabi niya na may ngiti.
Nagpatuloy ang kilig ng fans nang balikan ang isa pang iconic moment ng duo, ang pagbigay ni Brent ng golden seat kay Mika.
"Noong napanalunan ko po 'yung golden seat na 'yun, I was going against her noong time na 'yun. Tapos grabe po 'yung iyak niya ng mga panahon na (iyon) kasi gustong-gusto kasi po talaga makita ang mom niya. Noong opportunity presented itself, parang syempre as a friend, kailangan mo gawin iyon para sa kanya," kuwento ni Brent.
Labis naman ang pasasalamat ni Mika sa kanyang ka-duo, "Sobra po (ako thankful), as in. Sabi ko nga po 'di ko na po siya aawayin dahil doon e."
Dahil sa mga ipinakita nilang kabutihang loob, binansagan na rin ang BreKa bilang “Selfless Duo.” Kaya naman labis ang pasasalamat ng dalawa sa lahat ng kanilang supporters.
"Sobrang nakakatuwa po na natawag kaming selfless and siguro po ang maganda po doon is parang na-i-inspire din po sila to do good. Kasi po nakitaan po kami ng ganoong quality so sobrang thankful po," ani Mika.
"Grabe 'yung recognition na selfless, na matawag po kami ng ganoon. Hindi po namin siya talaga ginagawa 'yung mga ginawa namin sa loob ng bahay for that acknowledgement. Kaya nakakataba po ng puso," dagdag pa ni Brent.
Nanalo sina Brent at Mika bilang Big Winners sa nakaraang edisyon ng PBB Celebrity Collab. Nanalo naman 2nd Big Placer sina Will Ashley at Ralph De Leon habang sina Charlie Fleming at Esnyr bilang 3rd Big Placer. Pasok din bilang 4th Big Placer ang duo na sina AZ Martinez at River Joseph.
Maaring balikan ang mga kwento ng Kapuso at Kapamilya stars sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition sa GMANetwork.com.
Samantala, balikan ang PBB journey nina Brent Manalo at Mika Salamanca sa gallery na ito: