
Sa Bagong Silang, Caloocan City makikita si Mang Albert Larion, isang ice candy vendor. Taong 2007 nang-ma-stroke si Mang Albert, na naging sanhi ng pagkaparalisa ng kaniyang kamay at paa.
Kahit naging ganoon ang tadhana ni Mang Albert, tinanggap niya ito at hindi sumuko sa buhay.
Kuwento niya sa programang Pera Paraan, "Tinanggap ko ng maayos. Walang problema sa akin nandoon na tayo e, wala nang magagawa.
"Talagang 'yan ang kapalaran ko."
Single, at naninirahan sa bahay ng ama at kapatid si Mang Albert, kaya sa edad na singkuwenta, gusto pa rin niyang kumayod.
Mag-isang naglalako si Mang Albert ng ice candy sa Bagong Silang, kahit naka-wheelchair na ito.
Dahil sa kaniyang diskarte, kumikita siya ng P600 kada araw. Kahit naka-wheelchair, minsan nakakarating pa raw ng Bulacan o Quezon City si Mang Albert. Kuwento niya, paminsan ay bumaba-byahe na lamang siya pauwi.
"Kapag hapon kapag pauwi ako, sinasakay ko na. Kapag pagod na ako sinasakay ko na kapag pauwi na ako. Pero hangga't kaya kong itakbo, tatakbo ako."
Naniniwala si Mang Albert na lahat ng mga pinagdadaanan niyang problema ay makakayanan niya rin. "Ang paniwala ko kasi, hindi ako bibigyan ng problema ng Diyos kung hindi ko kaya. Kaya ko."
Sa Quezon City naman, agaw pansin ang isang delivery rider. Siya ay si Joy Habana, isang person with disability (PWD).
Kuwento ni Joy sa Pera Paraan, "'Yung pagiging rider ko, nagumpisa 'yan sa social media. [Nakakita ako ng] Paraan para kumita kung may sariling bike.
Dahil sa social media at pagkahanga ng mga nakakakita kay Kuya Joy, ang bisikleta niya dati, upgraded na sa e-bike ngayon.
Sixty pesos ang delivery fee ni Kuya Joy sa bawat delivery na makukuha niya. Mahalaga sa kaniya na kumita ng sariling pera at matutong magtrabaho nang marangal.
"Kaya ako nagpupursigi na kumita dahil sa kalagayan kong ito, wala ring tutulong sa sarili ko kung hindi ako. Mahirap na umasa tayo sa mga tao lalo na kung binibigyan ka ng mga bagay dahil sa awa."
Dahil sa diskarte ng ilan nating kababayan na PWD, naghandog ang Pera Paraan host na si Susan Enriquez sa mga kababayan nating nagbibigay ng inspirasyon kahit na sila ay may kapansanan.
Panoorin ang kanilang kuwento sa Pera Paraan: