
Saglit na nag-reunite ang beteranong action star na si Phillip Salvador at si Primetime Action Hero Ruru Madrid.
Matatandaang sa reality artista competition na Protegé nagsimula ang career ni Ruru at si Phillip ang nagsilbing mentor niya dito.
Ayon kay Ruru, nakatanggap siya ng papuri mula kay Phillip na lubos niyang ikinisaya.
"Actually, nagkita po kami ni Tatay Ipe sa isang event. Niyakap po niya agad ako. Sinabi po niya sa akin na sobrang proud daw po siya sa akin," kuwento ni Ruru sa media conference para kanyang upcoming full action series na Black Rider.
Kasabay ng papuri, may mahalagang paalala din daw si Ipe para sa kanya.
"Ang layo na raw ng narating [ko], 'Pero lagi mong tatandaan, na huwag na huwag kang magbabago.' Ang sabi niya sa akin, 'Ang paggawa ng action, okay 'yan. Gawa ka ng matitinding action, matitinding fight scenes pero huwag na huwag mong pababayaan 'yung puso, kung bakit ka nakikipaglaban,' which is 'yung drama," bahagi ni Ruru.
Masaya si Ruru na hanggang ngayon ay nakakatanggap pa rin siya ng payo mula sa beteranong aktor.
"Si Tatay Ipe, kilala po natin na, bukod sa mahusay pagdating sa mga fight scenes, pagdating sa pagbaril, mahusay din po siyang aktor. At isa po siya sa sobra kong tinitingala, pagdating po sa industriyang ito," lahad niya.
Sa parehong event kung saan sila muling nagkita ni Phillip, nakahalubilo din ni Ruru ang former action star na si Senator Robin Padilla na matagal na niyang iniidolo.
Saglit din niyang nakausap dito si Kapamilya actor at action star na si Coco Martin na naging bukas naman sa healthy competition sa pagitan ng mga programa nilang muling magtatapat sa primetime.
Bibida si Ruru sa upcoming full action series na Black Rider. Gaganap siya dito bilang Elias Guerrero, isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Makakasama si Ruru sa action-packed serye sina Katrina Halili, Yassi Pressman, Matteo Guidicelli, Jon Lucas, at marami pang iba.
SILIPIN ANG STAR-STUDDED MEDIA CONFERENCE NG BLACK RIDER DITO:
Abangan ang world premiere ng full action series na Black Rider, November 6, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad. Mapapanood ang simulcast nito sa GMA, GTV at maging online sa Kapuso Stream.