
Kamakailan, lamang ay nag-viral sa social media ang isang video kung saan nagkaroon ng reunion sa pagitan ng isang half-Filipino, half-Korean na pulis sa kanyang Korean na ina. Ngayon, nagsalita na ang pulis sa viral video sa kanyang social media account.
Sa TikTok account na @julioenforcer ay ipinaliwanag ng pulis na si Julius Manalo kung ano ang mga emosyon na tumatakbo sa kanya noong nangyari ang matagal na niyang hinahangad na reunion. Sa comments ng video ay ipinaalam din ni Julius na kapatid niya ang isa sa mga artista ng paparating na palabas na Mga Batang Riles na si Jay Manalo.
Photo source: @julioenforcer (TikTok)
Ayon sa kanya, 31 taon na niyang hinahanap ang kanyang ina at nangyari lamang ang reunion na ito dahil sa tulong ng TV Chosun. Pagbabahagi ni Julius, limang buwan na naghanap ang Korean TV network bago nito natagpuan ang kanyang ina.
Sinagot din ni Julius ang mga tanong ng mga netizens tungkol sa reunion, tulad ng ano'ng pakiramdam niya habang nangyayari ang reunion at kung ano ang sinabi sa kanya ng kanyang ina. Nagbahagi din siya ng ilang mga behind-the-scenes na detalye tungkol sa episode.
Ang programa kung saan nangyari ang reunion ay may title na Mom's Spring Day. Ang host nito ay isang spine doctor na nanggagamot ng mga nanay at pinakikinggan ang kanilang mga istorya. Sinabihan si Julius na espesyal ang episode kung saan itatampok ang istorya ng kanyang nanay dahil magiging reunion ito nilang dalawa. Ayon jay Julius, nagpunta pa raw sa iba't ibang ang mga producer ng Mom's Spring Day upang hanapin ang kanyang ina.
Dahil sa hugis ng lugar kung saan magaganap ang reunion, hindi nakita ng mag-ina ang isa't isa. Tinanong siya ng guest host noong episode na iyon na si Ben kung matatandaan ba niya ang kanyang ina kung makikita niya ito, na sinagot naman ng oo ni Julius dahil meron siyang mga palatandaan.
Nang maaninag na niya ang kanyang ina, hindi na napigilan ni Julius na tumakbo at yakapin ang kanyang ina. Ayon sa kanya, anim na taong gulang lamang siya noong ibinigay siya ng kanyang ina sa kanyang ama. Ang akala niya ay pupunta lamang siya ng America ng dalawang linggo at babalik sa kanyang ina, pero ang katotohanan ay dinala siya sa Pilipinas at hindi na muling nakabalik sa South Korea.
Sa naganap na reunion, pakiramdam ni Julius ay muli siyang bumalik sa pagiging anim na taong gulang. Ipinaliwanag niya na wala siyang nararamdamang galit sa kanyang ina, ngunit ninais niya na sana ay sinabi sa kanya ang katotohanan na pupunta siya ng Pilipinas para nayakap niya ng mahigpit ang kanyang ina bago sila maghiwalay.
“Pagyakap ko, nawala lahat ng pagkatao ko, kung ano ako ngayon sa Pilipinas. Parang bumalik ako, 'yung isip ko, 'yung katawan ko, 'yung pakiramdam ko, lahat, noong six years old ako. Feeling ko talaga naging bata ako,” pag-aalala ni Julius.
Panoorin ang buong TikTok video ni Julius sa ibaba.
@julioenforcer Sa mga may tanong sa mga nangyare, may mga sagot ako sa video na to #enforcer #fundamentals #tvchosun #findingmom #ifoundmymom ♬ original sound - Julius manalo
Related gallery: The cutest and loveliest Korean and Filipino celebrity interactions