
Simula December 13, handog nina Jessica Soho, Ninong Ry, Small Laude, at Herlene Budol ang isang espesyal na pagdiriwang ng Kapaskuhan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pamamagitan ng four-part original online series na “Pinoy Christmas in our Hearts.”
Sa pagva-vlog at paggawa ng short videos ibinabaling ng ilang OFWs ang pangungulila sa mga naiwan nilang kamag-anak dito sa Pilipinas. Umiindak sa kanilang dance videos, dinodokumento ang kanilang dumpster diving, at isinasama ang kanilang subscribers sa mga biyahe sa kabilang bahagi ng mundo. Pero sa totoo lang, ang pinaka pinapangarap nilang content, ang muling makapiling ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas. At maranasang muli ang Paskong Pinoy.
Sa pamamagitan ng original online series na “Pinoy Christmas in our Hearts,” mula sa collaboration ng GMA Public Affairs at YouTube, matutupad na ang kanilang Christmas wish. Dahil sa kauna-unahang pagkakataon mula nang magka-pandemya, magbabalik-bayan na sila. Makaka-collab pa nila ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa content creation sa Pilipinas.
Ang dumpster diver at vlogger na si Julie labing apat na Pasko nang hindi nakakasama ang iniwan niyang anak sa Negros Oriental.Sa tulong ng award-winning broadcast journalist na si Jessica Soho, muling pagtatagpuin ang mag-ina at magsasabay pa sa Simbang Gabi. Ang viral chef na si Ninong Ry, sagot naman ang Noche Buena ng mag-ina at maging ang 100 katao sa Baclaran Church.
Hindi lang malalaking alon ang binabangga ng seaman na si Jovani kundi pati na ang kalungkutan. Nilalabanan niya ang pagkalumbay sa pamamagitan ng paggawa ng dance videos. Lahat titiisin ni Jovani para sa miss na miss na niyang lola sa Surigao na nahihirapan nang makarinig. Dininig naman ang panalangin ni Jovani dahil makakababa siya ng barko ngayong magpa-Pasko. Ang fashion at lifestyle influencer na si Small Laude, sasamahan pa siyang mag-Christmas shopping para sa mga mahal niya sa buhay. Pero ang milyonaryang si Small, mahaharap kaya ang challenge na bumili ng mga regalo para sa sampung katao kung 'small' din ang kanyang shopping budget?
Tinalikuran naman ng Streetboys dancer na si Spencer Reyes ang showbiz at nag-migrate sa Scotland kasama ang kanyang mag-iina. Pero updated pa rin ang kanyang fans dahil vina-vlog ni Spencer ang hirap at saya ng trabaho niya ngayon bilang bus driver. Ang hindi alam ng mga naiwan niyang magulang dito sa Pilipinas, ang next trip ni Spencer, pauwi na sa kanilang bahay sa Tondo. Si Spencer naman walang kamalay-malay na sa gitna ng kanyang pamamasyal, bubulagain siya ng kanyang kaibigan na si Ice Seguerra habang umaawit kasama ang Mandaluyong Children's Choir. Ang bus driver sa Scotland, sasamahan pa ni Binibining Pilipinas 1strunner up Herlene Budol na mangaroling sa mga bus sa EDSA!
Muling damahin ang diwa ng Paskong Pilipino sa “Pinoy Christmas in our Hearts” na handog ng GMA Public Affairs at YouTube at ekslusibong mapapanood sa GMA Public Affairs YouTube channel simula December 13.
Para sa ibang updates sa Kapuso Network, bisitahin ang www.gmanetwork.com.