
Sky is the limit para sa isang Pinoy na natupad ang pangarap na makapagtrabaho sa National Aeronautics and Space Administration o NASA sa Amerika. Bukod kasi sa pagiging parte ng naturang ahensya, naging katuwang din siya ng katatapos lang na Artemis II mission.
Ang Artemis II mission ang unang space mission na nagdala ng crew malapit sa buwan pagkatapos ng mahigit limang dekada. Milestone ang misyon na ito nang maabot ng Orion spacecraft ang pinakamalayong distansya na 252,760 miles na nilakbay ng tao mula sa daigdig.
Nitong April 10, pagkatapos ng halos sampung araw sa kalawakan, ligtas na nakabalik ang capsule dala ang apat na crew nito sa Pacific Ocean, malapit sa San Diego, California.
Kaakibat ng tagumpay at bagong milestone na ito ay ang ground crew o ang mga taong nakaalalay sa naturang misyon, kabilang na ang Pinoy data controller na si Louie Rabara.
"I am Louie Rabara, born and raised in the Philippines. My biggest project, ito 'yung Artemis II," sabi nito sa isang video interview kay JP Soriano para sa 24 Oras.
Bilang data controller, isa siya sa mga nagpo-proseso ng mga data galing sa mga spacecraft, kabilang na ang Orion spacecraft na ginamit sa Artemis II.
"'Yung first day of launch, nandu'n kami sa space center, which is the mission control. Ang naging part namin dito as data controllers is this space network. Mayroon kaming array of antennas. After na lumagpas na siya ng Earth orbit, kami na po 'yung nakakapag-track sa kanila, sa mga data na makukuha nila sa space," pagbabahagi ni Louie.
Dating IT staff si Louie sa University of California, Los Angeles. Pag-amin niya, hindi naging madali ang kaniyang journey para makuha ang posisyon niya ngayon, lalo na't wala siyang background sa astronomy.
"Sobrang hirap po mag-apply ng trabaho kasi wala ako lahat. Hindi ako straight papunta sa astronomy po kasi nag-graduate ako ng computer engineering and wala naman akong idea before na kaya, na makakapasok ako dito sa ganitong job.
Fascination lang umano ni Louie ang space at pangarap lang ang makatrabaho ang mga astronaut. Kaya naman, hanggang ngayon ay hindi pa rin daw siya makapaniwala sa nagagawa na niya ito ngayon.
"Iniisip ko, parang hindi siya totoo. Tuwing nagsisimula ako, feeling ko, hindi ko kaya. Sobrang surreal pa rin po hanggang ngayon," sabi ni Louie.
Kaya naman, payo niya sa mga kabataan na nangangarap ding makapasok sa NASA, "Walang imposible."
"'Wag lang kayong matakot mangarap. Kahit feeling n'yo impossible siya, there's always a chance. Tuloy-tuloy lang sa pag-aaral and of course, always pray to God," sabi ni Louie.
Panoorin ang buong report sa 24 Oras dito:
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA KINILALA NAMAN ABROAD NOONG 2025 SA GALLERY NA ITO: