
Isa ang Cebu sa mga lugar na matinding tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.
Kaya naman kahit limang buwang buntis, pinili pa rin ng medical social worker na si Nica Bacaling na manatili sa trabaho.
Sa tingin daw kasi niya, kulang ang mga social worker na mag-aasikaso sa mga indigent na pasyente sa Eversley Child Sanitarium and General Hospital.
May personal protective equipment, mask, at face shield siya pero minsan kinakapos din ang ospital sa gamit.
Para maprotektahan ang frontliners tulad niya, naghatid ng protective supplies ang GMA Kapuso Foundation sa pitong pampublikong ospital sa Cebu.
Kabilang dito ang Vicente Sotto Memorial Medical Center, St. Anthony Mother and Child Hospital, Cebu City Medical Center, Camp Lapu-Lapu Station Hospital, Eversley Child Sanitarium and General Hospital, at Talisay District Hospital.
Sa kabuuan, 21,000 pares ng gloves, 1,400 sets ng PPE, 1,400 face shields, 678.5 liters ng alcohol, 5,040 piraso ng bath soap ang naihatid sa mga ito.
Katuwang pa rin sa pamamahagi ang Armed Forces of the Philippines Central Command.
Lubos naman ang pasasalamat ng GMA Kapuso Foundation sa STC Paper and Plastic Packaging Solutions para sa kanilang tulong.
Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para sa mga medical supplies na ihahandog sa mga COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.
Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap buhay dahil sa lockdown na hatid ng quarantine.
Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.
Maaari din bumili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Zalora, mag-convert ng Metrobank credit card rewards points, o gumamit ng PayMaya para mag-donate sa GMA Kapuso Foundation.