
Lumalakas ang usap-usapan tungkol sa paglipat ng comedy actress na si Pokwang sa GMA Network.
Una itong naging laman ng balita nang mag-post si Pokwang ng isang selfie, na kuha mula sa isang dressing room sa loob ng GMA Network compound.
Sa naturang post, nagpasalamat ang award-winning actress sa panibagong trabahong kanyang natanggap.
Sinabi niya sa bahagi ng kanyang caption, "Minsan di ko alam talaga kung deserve ko nga talaga lahat ng biyaya at mga dasal na sinasagot mo Lord God pero sa pagkakaalam ko nararapat lang na ikay pasalamat sa lahat ng ganap sa aking buhay maganda man o hindi dahil alam ko lahat ng ito ay pagmamahal mo ang dahilan kaya naririto ako at nakaka survive i love you at salamat po."
Mas lalo pang napausisa ang fans tungkol sa tila paglipat ni Pokwang nang mag-comment si Love of My Life actress Carla Abellana sa post ng "Wowowowow! Welcome!"
Gayundin, nang lumabas ang isang larawan ni Pokwang kasama ang dating Prima Donnas actress na si Katrina Halili.
Samantala, sa post ni Pokwang, bumuhos ang masasayang pagbati mula sa mga kaibigan niya sa showbiz, kabilang na ang dating The Lost Recipe actress na si Tina Paner at ang Eat Bulaga host na si Paolo Ballesteros.
Sa ngayon, wala pang tiyak na detalye tungkol sa bali-balitang paglipat ni Pokwang.
Mapanonood na ba siya ng Kapuso fans sa iba't ibang programa ng GMA Network?
Manatiling nakatutok sa GMANetwork.com para sa pinakahuling balita tungkol dito.
Samantala alamin kung sino-sino pang celebrity ang nasa Kapuso network na sa gallery na ito: