
Sinorpresa ng buong team ng Daddy's Gurl ang Phenomenal Star na si Maine Mendoza noong Martes, March 1 sa mismong taping nila.
Makikita sa Instagram Stories ni Sparkle actor Prince Clemente ang highlights ng simple birthday event ni Maine sa Kapuso sitcom. Sa Huwebes, March 3, ang 27th birthday ng dalaga.
Source: princeclemente18 (IG)
Sa exclusive interview ni Prince sa GMANetwork.com nitong March 2, sinabi nito na nakakatuwa na makita ang ibang side ni Maine na labas sa kanyang image sa TV.
Ayon sa Kapuso actor, “Actually, parang baliktad. Kasi sa TV sobrang kulit 'di ba, 'pag sa personal mas tahimik lang. Pero [siya] 'pag on set na, talagang ang galing niya!”
Hindi na rin daw nakapagtataka kung bakit “perfect fit” ang tulad ni Maine sa isang sitcom.
Aniya, “Lalo na sa mga adlib niya, 'yung expressions niya talagang nakakatawa. Sobrang bagay sa kanya 'yung sitcom.”
Wala rin itulak kabigin si Prince sa original cast members ng Daddy's Gurl na very welcoming sa tulad nilang newbies sa show.
Kuwento niya sa GMANetwork.com, “Lahat kami doon naging close na sobra. Ayan kahit si Miss Maine Mendoza talagang tropa na namin, alam mo 'yun. Kahit pag-off-cam nagkakakuwentuhan, kulitan, Tiktok [at] kung ano-ano. Kaya ayun, talagang solid na 'yung bond and chemistry lahat ng cast.”
Bukod sa Daddy's Gurl, napasama na rin si Prince Clemente sa iba pang comedy programs noon ng Kapuso Network na Dear Uge at Bubble Gang.
Malaki ang utang na loob ng actor-model na nabigyan siya ng pagkakataon na magawa ang mga projects na ito kaya naging madali sa kanya na maka-adapt sa environment ng sitcom nina Bossing Vic Sotto at Maine Mendoza.
Paliwanag niya, “Masasabi ko malaki siyang tulong, kasi kung nanggaling ako sa purely action, tapos mga romance or mga partner-partner na ginagawa ko usually, siguro hindi ko siya makakapa agad.
“Pero dahil nakapag-Dear Uge ako, tapos nung nasa Dear Uge nandoon 'yung guidance ni Miss Eugene Domingo and nung sa Bubble Gang [ang] nag-guide sa akin doon si Michael V., sila Kuya Paolo Contis, na talagang alam natin na napakagagaling na mga komedyante,” saad ni Prince.
Pagpapatuloy ng former StarStruck finalist, “Mga pillar na sila ng industry natin and medyo na-gets ko kung paano 'yung atake pag-comedy 'di ba? Kasi, pag-drama is more on dapat natural ka lang, compared sa comedy na parang mas malaki ['yung movement], mas exaggerated. Tsaka mas nakakatawa dapat 'yung expressions ng face mo.
“Hindi ka nagpapapogi lang, tsaka ang number one ko natutunan diyan is huwag na huwag mo isipin 'yung hitsura mo 'pag comedy. Huwag ka maging conscious na baka papangit ka kapag distorted 'yung mukha mo, talagang dapat maging nakakatawa ka lang.”
Heto ang ilan sa hottest photos ng Daddy's Gurl stars na sina Prince Clemente at Carlo San Juan sa gallery below.