
Naghahanda pa lang si Sparkle Teen star Princess Aliyah para harapin ang mundo sa murang edad na 17, ngunit heto siya at papasukin ang mga pagsubok sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition 2.0.
Sa panayam sa kaniya ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, ibinahagi ni Princess na ipinagpalit niya ang isang project kung saan siya sana ang bibida para pumasok sa Bahay ni Kuya. Ayon sa Sparkle Teen star, ito ay dahil once in a lifetime lang ang pagkakataon na ito.
“Well, nu'ng una po, tinanong ako ni mom. Sabi niya, 'Sure ka ba? Kasi 'pag nag-PBB ka, hindi mo alam baka ma-bash ka sa loob, and 'di mo alam kung ano'ng nangyayari sa labas, e.' Parang mas nag-take ako ng risk kasi hindi talaga ako risk-taker, parang mas gusto ko mag-play safe,” sabi ni Princess.
Ngunit sabi ni Princess sa sarili ay gusto niyang makaranas ng something exciting bago siya mag-18, kaya itinuloy niya ang pagpasok sa PBB.
MAS KILALANIN PA SI PRINCESS ALIYAH SA GALLERY NA ITO:
Samantala, kahit homeschooled simula noong elementary days at tanging ang small family lang niya ang nakakasama, kaya naman umano ni Princess makipagkaibigan. Ngunit may isang pagsubok siyang nais lagpasan sa pagpasok niya sa Bahay ni Kuya.
“Kasi ilang ako medyo sa boys since hindi nga ako nag-i-school and palagi ko lang kasama is parents ko,” sabi ni Princess.
At dahil babae lang din ang kapatid niya, hindi talaga siya exposed sa mga kalalakihan na ka-edad. Inamin din ni Princess na medyo awkward siya sa pakikitungo sa kanila.
Kaya kahilingan ni Princess, “Sana ma-develop ko na makipag-usap din, makipag-friends din sa kanila nang walang ilangan.”
Sa pagpasok ni Princess sa loob ng Bahay ni Kuya, isang mahigpit na bilin ang iniwan ng kaniyang ina, "'Wag kang ma-i-in love sa loob, ha. Meron tayong promise, bawal munang mag-boyfriend, unahin muna ang career.'"
Sa pagpasok ng Bahay ni Kuya, hindi naman maiiwasan na mayroon pa ring drama na haharapin ang mga bagong housemate. Kaya ang tanong, handa na ba siyang harapin ang mga ito?
“Sana naman, wala. 'Yun nga po 'yung gusto ko sanang iwasan, pero alam ko naman hindi ko naman maiiwasan [yung] mga drama, mga away-away kasi ayoko talaga ng mga confrontation,” saad ni Princess.
Panoorin ang panayam kay Princess dito: