GMA Logo Patrolman Julius Rael
What's Hot

Pulis na kinukutya noon, hinahangaan na ngayon

By Kristian Eric Javier
Published February 15, 2024 3:41 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Filipina nurse killed in tragic accident outside Sacramento VA Medical Center
Farm to Table: (December 21, 2025) LIVE
Content creator Arshie Larga reveals his biggest investment in 2025

Article Inside Page


Showbiz News

Patrolman Julius Rael


Mula sa mga pangungutya, mga salitang paghanga na ang natatanggap ng isang guwapulis mula Palo, Leyte.

Nakatikim man siya noon ng masasakit na salita, ay puro magaganda na ang sinasabi ngayon tungkol sa gwapulis Patrolman na si Julius Rael o Jules ng Police Regional Office 8 sa Palo, Leyte.

Nag-viral kamakailan ang litrato ng tatlong guwapong pulis sa social media at nitong Linggo sa Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabi ni Jules na marami nang nagsasabi sa kaniya na magpapakulong na lang daw sila, o kaya naman ay magpupulis para makita siya at makasama.

Ngunit ayon kay Jules ay hindi naman laging ganun ang mga naging komento sa kaniya dahil noong kabataan niya, ay nakatikim ang patrolman ng mga panglalait at hindi magagandang salita mula sa mga kakilala.

“Patpatin ako dati, binu-bully ako ng mga kaibigan ko na ang itim itim ko. Sinabihan ako ng mga classmate ko na hindi daw ako magkaka-girlfriend dahil wala daw magkakagusto sa akin dahil sa itsura ko,” sabi niya.

May isang pagkakataon pa na nabasted siya ng nililigawan niya at nangako pang sasagutin siya, bago siya i-block sa social media.

“Nagkita kami isang gabi, ok pa naman kami nun, tapos may pa-I love you-I love you pa nga. Tapos kinabukasan, binolck na 'ko. Na-ghost ako, iniwan nga ako sa ere,” sabi niya.

Dagdag pa ni Jules ay lalong lumala ang insecurity niya noong magsimula na siya sa police training dahil sa dami ng taghiyawat niya noon sa mukha na kahit kaniyang mga magulang ay hindi na siya nakilala.

Pangarap kasi ng ama ni Jules na magpulis siya, kaya't tinupad niya ito. Pero aminado ang butihing patrolman na bukod sa training, hindi rin naging madali ang mawalay sa kaniyang pamilya.

BALIKAN ANG MGA CELEBRITIES KABILANG SA MGA RESERVISTS NG BANSA:

Samantala, para mabago ni Jules ang kaniyang itsura ay nag-invest siya sa skincare.

“Nag-take ng gluta, nagpapahid ng mga skincare [products]. Naggi-gym ako after ng work ko, 7 p.m. to 9 p.m.,” sabi niya.

Dagdag pa ni Jules ay nagpa-rhinoplasty din siya, isang procedure para baguhin ang hugis ng ilong para umano ma-boost ang confidence niya. Umabot man ng two years ang kaniyang makeover, sinabi ni Jules na worth it naman ito dahil marami nang pumapansin sa kaniya ngayon.

Kahit ang niligawan at nang-block sa kaniya noon na si Jasmine Claire Rosales, in-unblock na siya at nagme-message na. Paliwanag ni Jasmine sa pamba-block niya noon kay Jules ay nakulitan siya noon dito.

“I'm grateful na nakilala ko siya, proud ako sa kaniya kung ano man ang narating niya ngayon, at he deserves so much better po,” sabi niya.

Ngunit hindi lang mga tao ang nakapansin sa kaniyang magandang itsura dahil maging mga kompanya, kinukuha na rin siya bilang endorser ng mga skincare products, at nag-open pa ng isang restaurant.

Pero bukod sa good looks ay may puso ding ipinagyayabang ang butihing patrolman na na-assign sa community relations o pagbuo ng magandang relasyon sa pagitan ng Philippine National Police sa iba't-ibang mga community.

“Na-assign ako sa Oras, Eastern Samar. Dinala namin 'yung PNP dun sa mga liblib na lugar para magkaroon ng relationship between PNP tsaka mamamayan,” sabi niya.

Dagdag pa ni Jules ay may inilalaban din siyang talent sa pagsasayaw at parte ng mga Pulis Mananayaw na nagsasayaw ng folk at modern dance sa mga events.

“Pag sumasayaw po ako, may mga kinikilig na mga babae, meron din pong mga beki na nag-aaway nga sila kasi nag-uunahan magpa-picture sa'kin,” sabi niya.

Pero isa lang ang inspirasyon niya, ang local singer na si Honey Grace Castillo. Ayon sa dalaga, una silang nagkakilala ni Jules noong nasa school palang siya.

Sabi ni Jules, “Nagde-date kami, nanonood kami ng sine, tapos pinapadlhan ko siya ng pagkain sa kanila. Nanliligaw pa lang po ako sa kaniya. 'Pag ok na lahat, kaya ko naman po maghintay sa kaniya.

Ngunit tila hindi na kailangan maghintay ng matagal ni Jules dahil ngayong tapos na sa pag-aaral si Honey Grace, ay ibinigay na niya ang matamis niyang oo.

“Na-surprise ako, sobra. Speechless kasi hindi ko rin naman 'to inaasahan. Jules, maraming salamat sa lahat ng pagiintindi, paghinintay, at pagpapasaya mo sa'kin,” sabi ni Honey Grace.

“Napakasaya ko ngayong gabi na'to, walang katumbas na saya,” ani ni Jules.

Panoorin ang buong segment dito: