
Pumanaw na ang boses at puppeteer sa likod ni Arn-arn na si Danilo 'Totong' Federez ngayong Miyerkules, August 17. Siya ay 62 anyos.
Inanunsyo ito ni Arnold Clavio sa GMA flagship morning show na Unang Hirit kung saan lumabas si Arn-arn bilang sidekick ni Igan.
“Sa pagkakataong ito, medyo nabigla kaming lahat at nakikiramay po kami kay Maris, ang naulila po ni Totong Federez.
“Hindi n'yo alam si Totong po ay nagpasaya sa inyo sa napakaraming taon dito sa Unang Hirit. Si Totong po ay nasa likod ni Arn-arn,” Ani Igan.
Nagpasalamat din si Arnold sa mga tumangkilik kay Totong bilang Arn-arn.
“Sa lahat po ng napasaya ni Totong, maraming salamat. Kami rin dito, salamat. Rest in peace and may God bless your soul. Totong, saludo.”
Nagbigay ng mensahe ang maybahay ni Totong na si Maris para sa yumaong asawa sa Facebook account niya kung saan bumuhos ang pakikiramay para sa naiwang pamilya ng puppeteer.
"I love you, daddy. In God's grace we'll see each other again. Salamat sa Dios," sulat niya.
Noong 2017, tinamaan si Totong ng stroke na nakaaapekto sa kanyang pananalita at paglalakad at dalawang buwang na-confine sa ospital, ayon sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong December 1, 2019.