
Isa sa mga sikat na sexy star noong '90s si Rachel "Sh'Boom" Lobangco kaya naman ngayong hiwalay na siya sa asawa, ay nakapgtataka na single pa rin siya.
Sa Fast Talk with Boy Abunda noong Biyernes, October 4, tinanong ng host na si Boy Abunda kung naging mahirap ba para kay Rachel na piliin ang pagiging single ngayon.
Ang sagot ng aktres, “Well, hindi ko masabing sinadya ko, but siguro hindi pa siguro naibigay sa akin ni Papa God 'yung para sa akin. Naghihintay pa rin naman ako.”
Pero pag-amin din ng dating sexy star ay hindi rin naman siya naghahanap talaga ngayon dahil busy siya sa career niya bilang isang chef.
BALIKAN ANG ILANG CELEBRITIES NA NAG-ARAL DIN NG CULINARY ARTS SA GALLERY NA ITO:
Ayon naman sa kapatid niyang si Lani Lobangco na kasama niya sa naturang talk show ay masyadong idealistic at mapili si Rachel sa makakarelasyon.
“'Pag may konting imperfection, ayaw agad. E wala namang perfect na lalaki,” paliwanag ng dating aktres.
Dagdag pa ni Lani, “Kasi feeling mo complete ka na. Kaya na niya mag-isa, hindi niya kailangan ng partner, kumpleto siya.”
Depensa naman ni Rachel, ito ay dahil masaya naman na siya at napapasaya naman siya ng kanilang ina, ng kaniyang kapatid, at ng anak niyang si Leona.
Dagdag pa ng dating sexy actress tungkol sa pananaw niya sa mga lalaki, ay napagod na lang siyang maghanap ng perfect na taong makakasama niya, at mas piniling mag-focus sa sarili. Ani Rachel, mabibigyan naman niya ng panahon ang mga lalaki at ang kaniyang love life kapag nagawa na niya lahat ng gusto niyang gawin.
Paglilinaw niya, “Hindi ko pa naman sinasara 'yung option ko du'n, but of course I wanna get married, gusto ko rin one day may tumulong din sa 'kin sa ginagawa ko. I'm still also praying for myself na sana one day, si Mr. Right, dumating na.”
Pero pag-amin ni Rachel, hindi naman niya mami-meet si Mr. Right kung palagi na lang siyang abala.
Kabaligtaran naman niya ang kapatid na si Lani na gusto makakita ng kumpletong pamilya. Aniya, ito ay dahil lumaki silang separated ang kanilang mga magulang at kulang sila, kaya inasam ng dating aktres ang kumpletong pamilya.
“So 'yung idea ng kumpletong pamilya, 'yun ang gusto namin. Ako, for myself, 'yun ang gusto ko, 'yung may nanay, may tatay na nakikita 'yung mga anak ko,” sabi ni Lani.
“But kung iisipin mo, kaming dalawa, pinalaki kasi kami na strong siguro so kahit without men sa buhay, kaya namin e. Like her (Rachel), she's very happy, hindi naghahanap,” pagpapatuloy ng aktres.