
Kahit taon na ang lumipas, happy si Rachelle Ann Go na matalik pa rin silang magkakaibigan ng iba pang Champions o mga artists na ka-batch niyang naging champions ng singing contests.
Ilan sa mga ito ay sina Christian Bautista, Sarah Geronimo, Mark Bautista, Erik Santos, at Yeng Constantino.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, January 21, ay sinabi ni Rachelle na nandito siya kasama ang asawang si Martin at kanilang mga anak para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon kasama ang kaniyang pamilya sa bansa.
Dito ay inamin niyang 'pag nakakauwi sila sa Pilipinas at nagre-reunion ay nagkikita-kita silang magkaka-batch.
“Kailangan magkita-kita, Tito Boy. Kasi 'pag nasa London, meron kaming chat group ng champions. Kami-kami pa din, so du'n kami nag-catch up tapos pag-uwi sa Philippines, kailangan namin magkita talaga,” sabi ni Rachelle.
BALIKAN ANG PINOY SINGERS NA NAKILALA SA KAPUSO SINGING COMPETITIONS SA GALLERY NA ITO:
Sinabi rin ni Rachelle na naging “very fun” ang buhay nila noon bilang champions. Dahil nanggaling at nanalo sila sa kani-kanilang contests, naka-relate sila sa isa't isa.
“At saka sobrang bata pa namin nu'ng nagsimula kami and nagtu-tour kami sa States, Tito Boy, for months. So talagang 'yung bond po namin, e hindi na po matitibag 'yung friendship,” sabi ni Rachelle.
Nang tanungin naman ni Boy kung ano ang madalas nilang pag-usapan sa mga pagkikitang iyon, sabi ni Rachelle, “Buhay po, Tito Boy, malalim. Bihira ang trabaho. Meron din, pero mas puso at ang buhay po.”
Ikinuwento din ni Rachelle kung gaano kaimportante ang friendship nila ng Champions lalo na at mahirap na umanong makahanap ng totoong kaibigan sa mga panahon ngayon.
“Ang maganda po sa friendship namin, kasi with the showbiz world, Tito Boy, ang hirap nang makahanap ng mapagkakatiwalaan talaga so kami, alam namin 'yung napagdaanan namin noong panahon. So talagang andu'n 'yung trust, we open up to each other,” sabi ni Rachelle.