
Ligtas na nakauwi sa bansa ang celebrity couple na sina Rayver Cruz at Julie Anne San Jose at iba pa nilang kasamahan mula sa bansang Israel, kung saan kasalukuyang may nagaganap na giyera ngayon.
Matatandaan na isang show sana ang gagawin nina Rayver at Julie doon, kasama ang komedyante na si Boobay, upang magpasaya ng mga kababayang Pinoy.
SILIPIN ANG NAGING PAGBISITA NINA JULIE AT RAYVER SA ISRAEL DITO:
Sa Fast Talk with Boy Abunda, ikinuwento ng dalawa na umaga pa lang bago ang dapat sana ay kanilang event, nagsimula na ang mga pagsabog sa Israel dulot ng pag-atake ng grupong Hamas.
“We were just talking about kung totoo ba 'tong nangyayari na ito kasi, siyempre, first time namin sa Israel and first time din po namin maka-experience ng ganun,” ani Julie.
“Ang daming possibilities na puwedeng mangyari pero sa tulong ni Lord, naiwasan,” sabi naman ni Rayver.
Nagpapasalamat naman sina Rayver at Julie na maayos ang kanilang naging kalagayan hanggang sa makabalik ng bansa. Pero hiling pa rin nila ang kaligtasan at kapayapaan ng lahat sa nangyayaring giyera roon.
Kaugnay ng kanilang naging karanasan, tinanong ng TV host na si Boy Abunda si Rayver kung ano ang nasa isip niya noon habang kasama ang girlfirend na si Julie sa gitna ng giyera.
“Ikaw, Rayver, hindi ka ba nakaisip na mag-propose? Somebody said that in your group. Hindi ka ba naghanap ng pari? What was going on in your mind?” tanong ni Boy kay Rayver.
Agad naman itong sinagot ng binatang aktor, “Para sa akin kasi, Tito Boy, everything happens for a reason, e, and Siya lang ang nakakaalam noon sa itaas. Para sa akin kasi yung river of hope ko, yung lakas ng loob ko ay nanggagaling kay Julie.”
Dagdag pa ni Rayver, “So iniisip ko, may rason kung bakit si Julie, magkasama kami sa Holy Land. And for me, mind, body, and soul, kasal na ako sa kaniya.”
Napangiti naman si Julie at maging si Boy sa sinabi ng aktor. Banat pa ni Rayver kay Boy, “Pero alam ng Panginoong Diyos na makakauwi pa kami, may chance pa kaming kunin ka as ninong.”
Samantala, mapapanood naman si Julie bilang isa sa coaches ng The Voice Generations, tuwing Linggo, 7:35 p.m. sa GMA. Naghahanda naman ngayon si Rayver para sa kaniyang pagbabalik teleserye.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.