
Itinanghal si Rea Gen Villareal ng Caloocan City bilang ang ikapitong grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” ng It's Showtime.
Naganap ang “Tawag ng Tanghalan: Ang Huling Tapatan” noong nakaraang Sabado, January 27.
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Rea Gen, labis ang kanyang saya nang ianunsyo na siya ang nagwagi bilang kampeon sa naturang singing competition.
“Sobrang sarap sa pakiramdam tapos hindi pa rin talaga ako makapaniwala. Hindi ko na alam kung ano'ng nangyayari talaga sa paligid basta na-blanko na talaga 'yung utak ko sa nangyari pero sobrang saya [at] ang sarap sa pakiramdam,” pagbabahagi niya.
Ayon kay Rea Gen, inaalay niya sa kanyang pamilya ang pagkapanalo niya sa “Tawag ng Tanghalan.”
Aniya, “Siyempre, sa pamilya ko, sa kanila ko ito inaalay, itong panalo ko sa Tawag ng Tanghalan. Sila naman ang dahilan kung bakit ako ulit bumalik dito.”
Bukod dito, maraming natutunan na mahalagang aral si Rea Gen sa naging journey niya sa “Tawag ng Tanghalan” gaya ng kahalagahan ng pagdarasal.
“Ang natutunan ko, huwag kang titigil sa pangarap mo. Kung may gusto kang marating or may gusto kang patunayan, huwag kang titigil. At siyempre, laging magdadasal, ayun po ang pinaka-importante,” kwento niya.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Biyernes, 11:30 a.m., at tuwing Sabado sa oras na 12 noon sa GTV.