
Malaki ang pagkakapareho ng role ni Camille Prats sa Ang Forever Ko’y Ikaw sa kanyang tunay na buhay.
Tatlong taong gulang pa lang ang kanyang anak na si Nathan noong pumanaw ang kanyang unang asawa na si Anthony Linsangan dahil sa nasopharyngeal cancer. Happily married na siya ngayon sa kanyang elementary school classmate na si VJ Yambao at isinilang niya ang kanilang unang anak na sa Nala Camilla noong nakaraang taon.
Kwento niya sa press conference, “Malaki ‘yung pagkakapareho niya sa totoong buhay ko kaya siguro hindi rin mahirap mahalin si Ginny as a mom of [Marione] and [Gino] and ‘yung journey n’ya into finding new love, ‘yung pangunulit ni [Issa] na mag-move on. Kasi feeling ko ‘yun ‘yung mga phases na somehow pinagdaan ko din before.”
Nilinaw ng aktres na mananatiling parte pa rin ng kanyang buhay ang kanyang yumaong asawa.
“Kahit anong mangyari magiging parte ng buhay ko si [Anthony] especially because I have Nathan. Siya ‘yung pruweba na parte na siya ng buhay ko. So, I think, it will always be there. Of course, he will always be remembered," saad niya.
Noong una ay wala nang planong mag-asawa muli si Camille para mag-focus sa pagpapalaki sa kanyang anak na si Nathan. Pero naniniwala siya na may magandang plano ang Diyos kung bakit niya nakilala ang kanyang ikalawang asawa na si VJ.
“May mga plano ang Diyos sa bawat isa na kahit tayo hindi natin alam na gusto n’ya para sa atin and that’s exactly how I felt with VJ. It’s something that I didn’t see coming.
"Nu’ng kami ni Nathan, I don’t have a plan of being in a relationship again, parang okay lang ako na kaming dalawa na lang. Pero may magandang plano ‘yung Diyos para sa ’kin and para na rin sa anak ko kaya siguro nandito na ko sa ganitong posisyon ngayon.”