
Masayang-masaya si Kiray Celis sa kanyang ginawang paglipat sa GMA Network. Ngunit dagdag ng bagong Kapuso talent, mas ikatataba ng puso niya kung mabigyan siya ng pagkakataong makatrabaho si Michael V.
Kiray Celis on transferring to GMA: "I deserve this"
Sa interview ni Kiray sa GMANetwork.com, inamin ng aktres na pangarap niyang makatrabaho ang kanyang iniidolo.
Aniya, “Specific talaga, si Bitoy. Dream kong makatrabaho si Michael V. It's gonna be a pleasure kapag nakatrabaho ko siya.”
Paliwanag pa niya, “Bubble Gang is Bubble Gang. Michael V is Michael V. So nung nag-sign ako sa Artist Center, parang kinilig ako kasi parang, 'Makikita ko si Michael V.' Hindi ko ni-request na makatrabaho ko siya pero makikita ko si Michael V. 'Yun lang, solid kasi si Michael eh.”
Ipinahayag din ni Kiray ang labis niyang paghanga sa Kapuso comedian kahit noong nasa rival program pa siya.
Sambit niya, “Kilala niyo si Michael na magaling na komedyante pero alam niyo sa sarili niyo na lahat kayang gawin ni Michael, and I want to be that way.”
“Hindi ko kayang gayahin. Hindi ko sinasabing gusto ko maging Michael V. Gusto ko maging si Kiray pero gusto kong 'yung perspective niya bilang Michael V, na kayang gawin, kaya magsulat ng ganito, kaya mag-isip ng ganito, kayang i-arte 'yung ganito. Gusto ko maging ganun, and matagal ko nang nilu-look up si Sir Michael. Everyone naman siguro, I think,” patuloy niya.
Open din daw siyang lumabas sa longest-running gag show kahit sa isang minor role.
Ani Kiray, “Sana, kahit naglalakad lang sa likod. Nasanay kasi ako parang lagi ko sila nakikita lang kapag may mga awards night tapos kalaban lagi ng Bubble Gang 'yung Goin' Bulilit. Kasi siyempre laging gag show eh, comedy show, so 'yun lagi 'yung magkalaban. Doon ko lang sila nakikita.”