
Isa raw ang batikang showbiz host at manager ni Benjie Paras na si Lolit Solis sa mga natuwa dahil sa muling pagkikita ng mag-iinang sina Jackie Forster, Andre at Kobe Paras.
LOOK: Jackie Forster reunites with sons Andre and Kobe Paras
Sa pamamagitan ng kanyang Instagram account, ibinahagi ni Lolit ang kanyang saloobin tungkol sa pamilya ng kanyang alaga.
Aniya, “Noon pa naman sinasabi ko na bigyan lang ng time at space iyon tatlo, sure na magkakasundo din, mayroon silang link, ang kanilang dugo. Kung anuman iyon naging tampuhan nila hindi pa rin maalis ang pagiging mag-ina nila.”
Dagdag din niya, hindi raw naging hadlang dito ang asawa ngayon ni Benjie na si Lyxen Diomampo. Sa katunayan, maganda raw ang naitulong nito sa pagpapalaki kina Andre at Kobe.
“At kung ako si Jackie dapat pasalamatan niya sila Benjie at Lyxen dahil lumaking magalang, mabait ang magkapatid habang wala siya, dahil na rin sa pag-aalaga nila Benjie at Lyxen. Wala naman dapat maging hadlang kung mag-uusap sila, malaki at may-isip na sila Andre at Kobe, sila na ang makakapagpasya kung ano ang gagawin,” paliwanag niya.
Proud din daw si Lolit kina Andre at Kobe na lumaki ng maayos sa kabila ng pinagdaanan ng kanilang pamilya.
Wika niya, “Sila Andre at Kobe ang magandang ehemplo ng produkto ng isang broken relationship na puwede maayos mo pa rin ang mga buhay ng isang broken marriage, na hindi porke hiwalay, magiging delinquents na ang mga anak.”
“Ito ang isang magandang example na time heals all wound. Maayos lahat bigyan mo lang ng space at time. So happy for the Paras family,” patuloy niya.