
Habang bata pa ay nakitaan na ni Oyo Sotto ang mga anak na si Kiel at Ondrea ng interes na pasukin ang mundo ng showbiz.
Sa panayam ni Oyo sa GMANetwork.com nang bumisita kami sa pictorial ng bago niyang sitcom na Daddy's Gurl last September 24, nagkuwento ito tungkol sa mga naiisip ng mga anak niya na maging career in the future.
Saad niya, “Yung panganay namin si Kiel tinanong siya dati sa school sabi niya 'When I grow up I want to be an actor.' Si Ondrea naman, 'yung girl, sabi niya paglaki niya raw gusto niya maging singer naman.”
Pero mas gusto daw ng mister ni Kristine Hermosa na maging commercial model muna sina Kiel at Ondrea.
Paliwanag ni Oyo, “Sa akin okay lang pero mas gusto ko na mag commercial model muna sila. Kasi siyempre iba rin kapag nasa showbiz ka na physically and emotionally minsan stressful din talaga. Mabigat din, kumbaga gusto ko unti-unti lang baka kasi siyempre magulat sila.”
Marami rin netizens ang natutuwa kina Oyo at Kristine sa tuwing may post sila sa social media kung saan pinapakita nila na gumagawa ng household chores sina Kiel, Ondrea at Kaleb.
Ayon kay Oyo, gusto niyang matuto ang kanyang mga anak ng gawaing-bahay.
Wika niya, “Ayaw namin sila na lumaking umaasa sa mga tao. So, as early as now, tini-train namin sila na fix your bed, ayusin n'yo 'yung mga blanket ninyo. Kahit 'yung mga kaya lang nilang gawin.”
“So, pagkatapos kumain dalhin n'yo 'yung plato n'yo sa kusina or kung kaya n'yo, hugasan n'yo.”
“Kapag kunwari ginagawa nila 'yun, kapag may mga mga household chores may nakukuha silang reward. Ayan para at least nagugustuhan nilang gawin, so minsan mga ten pesos, twenty pesos so kumikita na rin sila habang bata pa,” ang proud na pahayag ng aktor.
Abangan ang pagbabalik telebisyon ni Oyo Sotto sa newest Kapuso sitcom na Daddy's Gurl soon on GMA-7!