
Tiyak mapapa-throwback kayo, mga Kapuso, sa inihandang concert ng mga hottest teen stars noong '90s na sina Tina Paner, Manilyn Reynes at Sheryl Cruz ngayong darating na September 9.
Gaganapin sa Music Museum ang 'The Triplet Concert' directed by Frank Mamaril kasama si Gerry Matias as musical director.
Sa ginanap na pocket presscon sa GMA Network compound para sa concert, nagkuweto si Tina Paner kung paano nabuo ang idea na gumawa sila ng kanilang first ever concert.
Ayon kay Tina, “Kasi nung ginagawa namin ‘yung Meant To Be, siyempre first time uli namin magsama after ilang years. So, habang ginagawa namin ‘yun may mga nagre-request na mga fans na magkaroon ang The Triplet ng either album or concert.’”
Dagdag niya, “So dumating sa point kung kailan malapit na kami matapos ng Meant To Be, napag-usapan namin, ano kaya gawin natin ‘yung ni-request nila. Well sa akin naman, sabi ko wala namang masama kasi, I mean for fun, for love. At saka para mapagbigyan ‘yung mga fans na nagre-request. So ito ‘yun.”
Dapat abangan ng mga fans ng The Triplet ang pagkanta din nila ng mga millennial songs, lalo na at makakasama nila ng ang mga kinakikiligan na JEYA boys na sina Ken Chan, Jak Roberto, Ivan Dorscher at Addy Raj.
Saad ni Sheryl, “Kami naman, 'di ba dahil sa paghahanda ng concert na ito, ayaw din namin mapahiya sa aming mga manonood na mga millennials, so ibig sabihin may mga songs that are geared for this generation.”
Nakakataba din daw ng puso ayon sa Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento star na si Manilyn na may mga fans sila na nasa ibang bansa na uuwi para mapanood silang tatlo. “Doon naman sa mga kapanahunan namin talaga, ‘yung iba nasa abroad working there and they have their own family, uuwi para lang dito.”
Mark your calendars, mga Kapuso, for a fun-filled and nostalgia-laden performance by The Triplet on September 9!