
Simple lang daw ang dahilan kung bakit nananatiling Kapuso ang comedy actor na si Paolo Contis: “Because they're loyal to me.”
Nakausap ng GMAnetwork.com at iba pang entertainment reporters si Paolo matapos ang special screening ng comedy movie na Ang Pangarap Kong Holdap noong Biyernes, November 23, sa Cine Adarna ng University of Philippines sa Diliman, Quezon City.
Dito, sinabi ng 10-year Kapuso celebrity na malaking bagay ang pagtitiwalang ibinigay sa kaniya ng GMA Network lalo na noong mga panahong may mabigat siyang dinadala sa buhay.
Ani Paolo, “Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga tao na may pinagdaanan ako when I was a Kapuso.
“During the time na Kapuso ako, diyan nangyari 'yung mga malulungkot na parte ng buhay ko.
“But GMA stayed loyal to me and gave me work. That shows na I should give my loyalty to them as well.”
Sa ngayon, masaya raw si Paolo sa pagiging bahagi niya sa longest-running gag show na Bubble Gang, kung saan anim na taon na siyang parte nito.
Kaya naman kahit daw paminsan-minsan ay may ginagawa siyang pelikula--tulad ng Through Night and Day at Pangarap Kong Holdap ngayong taon--hinding-hindi pa rind aw siya mawawala sa Bubble Gang.
“Para sa akin, lalo na yung Bubble Gang, suwerte ako,” sabi ni Paolo.
“Ako naman kasi, yung comedy ko, it's based on current events.
“I don't play characters, so mostly binabase ko 'yung comedy ko sa current events or maybe some characters that I play.
“Nasa pagre-reinvent na rin siguro 'yon.
“Ito, first time kong gumawa ng ganitong klaseng role.”
Ang tinutukoy ni Paolo ay ang role niya sa Pangarap Kong Holdap, na isang pulis na nag-undercover bilang isang holdaper.
Para kay Paolo, sapat na ang paminsan-minsang paggawa niya ng pelikula.
“Ayaw ko rin masyadong nakikita sa movie,” sabi ng aktor.
“Kasi, katulad niyan, masaya kayo na nakikita n'yo ako. Kung ikalima na 'to, sasabihin n'yo lang, 'Ikaw na naman.'
“So, maganda siguro na pakonti-konti, mga once a year na may maganda.
“Pero siyempre, kung may magandang role, bakit hindi, 'di ba?
“Pero feeling ko naman, sa reaksiyon ng mga tao sa Through Night and Day, 'yung naging comments ng tao that's one reason, it's because they don't see me sa big screen.
“Ito, malamang ang magiging reaksiyon nila dito [sa Ang Pangarap Kong Holdap], it's me doing my comedy pa rin.
“Ayaw ko lang maging… Feeling ko kasi na it works na hindi ako masyadong nakikita sa pelikula.”
Sa huli, diniin na Paolo na wala siyang planong iwan ang pagiging komedyante.
“Hindi ko iiwan ang comedy, mahal ko 'yon. Mahal na mahal ko 'yung comedy.
“Pero kung wala na akong napapatawa siguro, baka panahon na para iwan ko ang comedy.
“Pero ngayon, masaya pa naman yung mga tao na napapanood ako,” pagtatapos ni Paolo.